Posas

Tigok sa isang suntok

May 15, 2024 Melnie Ragasa-limena 60 views

NASAWI ang isang lalaki matapos suntukin sa mukha ng kapitbahay na diumano ay gumasgas at nagnakaw ng plaka ng kaniyang sasakyan sa Quezon City nitong Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Muhhamad Ali Ramirez Macapundag, 39, residente ng Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Agad namang naaresto ang suspek na si Joey Umuso Bulusan, 30.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 11:30 ng gabi (May 14), nang maganap ang insidente sa St. Joseph St., Brgy. Holy Spirit, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg. Lorenz Mappala, bago ang insidente, sinabi ng biktima sa kapatid na si Mohalem na puwersahang tinanggal ng suspek ang plate number at ginasgasan pa ang kanyang sasakyan.

Dahil dito, kinompronta ng magkapatid ang suspek at hinahanap dito ang nawawalang plate number.

Pero agad na nagwala ang suspek at at sumigaw ng mga salitang “OO AKO GUMAWA NIYAN, LASING AKO, HUWAG KA MAG ALALA BABAYARAN KO YAN” at sinuntok umano sa mukha ang biktima.

Gumanti ng suntok ang biktima at agad namang naawat ng mga kapitbahay pero natumba ang una at nawalan ng malay.

Naisugod pa sa Rosario Maclang General Hospital pero idineklara na itong dead on arrival nitong Miyerkoles (May 15) dakong alas 12:28 ng madaling araw ni Dr. John Gegory Bunion.

Inihahanda na ang kaso laban sa suspek.