Default Thumbnail

Mayor Honey sa mga seniors: No Manila ID, no pension tsismis lang

September 22, 2022 Edd Reyes 412 views

WALANG katotohanan ang mga kumakalat na balita na hindi na matatanggap pa ng mga senior citizens (SC) ang kanilang buwanang pension sa Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Maynila kung hindi sila kukuha ng Manila Identification Card (ID).

Ito ang paglilinaw ni Mayor Honey Lacuna-Pangan makaraang itanong ng isang Teresita Roja, isang senior citizen mula sa Pandacan, kung lahat ng mga matatanda na tumatanggap ng pensiyon ay dapat kumuha ng ID para makuha ang kanilang pensiyon.

“Hindi po totoo yan. Ke meron o wala kayong Manila ID, kung kayo ay nasa listahan ng ating mga senior citizen, makukuha ninyo ang allowance ninyo. Huwag kayong mag-alala doon,” paliwanag ng alkalde sa ginanap na “Kalinga ng Maynila”, araw ng Miyerkules, sa Arvasa covered court sa Pandacan.

Sinabi naman ni Assistant Director Jean Joaquin ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) na sa ilalim ng umiiral na Implementing Rules and Regulation (IRR) ng City Ordinance No. 8565, ang mga namatay ng senior citizen na tumatanggap ng pensiyon, maging ang kanyang nabubuhay na asawa, ay hindi na puwedeng makatanggap ng buwanang pensiyon.

“Ang nasa ilalim po kasi ng Resolution No. 92 ng IRR, hindi na makukuha ng mga namatay ang kanilang buwanang pensiyon kasi, ang requirements po sa pagbibigay ng allowance, ay personal appearance dahil sila ay pipirma sa payroll,” paliwanag ni Joaquin.

Sa kabila nito, sinabi niya na ang mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod, sa pangunguna ni Vice Mayor Yul Servo Nieto, ay itutulak ang pagpasa ng ordinansa na mapagkalooban ng burial assistance ang mga namatay na pensioners.

“Kaya kahit po hindi na nila makukuha ang buwanang allowance na hindi nila natanggap noong nabubuhay pa, maibibigay din po ito sa kanila sa pamamagitan ng tulong ng lokal na pamahalaan sa kanilang burol at pagpapalibing,” dugtong pa ni Joaquin.

AUTHOR PROFILE