Default Thumbnail

Bagong fare matrix puwede nang kumuha – LTFRB

September 22, 2022 Jun I. Legaspi 447 views

MAAARI nang kumuha ng “fare matrix” o guide ang mga operator ng public utility vehicle (PUV), kasunod ng pagpapatupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng fare increase sa mga pampublikong sasakyan na epektibo na sa ika-3 ng Oktubre 2022.

Nauna nang inanunsyo ng LTFRB ang pagtaas ng pamasahe sa traditional public utility jeepney (TPUJ), modern PUJ (MPUJ), public utility bus (PUB), transport network vehicle service (TNVS), at taxi noong Setyembre 16, 2022. Kasama sa kundisyon ng pagpapatupad ng taas-pasahe ang pagpaskil ng updated fare matrix/guide sa loob ng mga pampublikong sasakyan.

Narito ang mga dokumentong kailangang isumite ng mga PUV operator para sa updated na fare matrix: latest Land Transportation Office (LTO) OR/CR; franchise verification; kopya ng Provisional Authority (para sa mga hindi pa nabibigyan ng desisyon ukol sa kanilang Certificate of Public Convenience); at official receipt of payment.

Sundin ang mga sumusunod na proseso sa pagkuha ng updated fare matrix/guide: Pumunta sa Window 13 o 14 upang ipa-assess ang babayaran para sa fare matrix/guide; pumunta sa Cashier (Door B) upang bayaran ang fee para sa fare matrix/guide at matanggap ang “Official Receipt of Payment”; pumunta sa Window 12 upang isumite ang documentary requirements kasama ang Official Receipt of Payment; maghintay ng dalawang araw bago pumunta sa Window 11 upang makuha ang updated na fare matrix/guide.

Bukas ang tanggapan ng LTFRB para iproseso ang mga request ng fare matrix mula Lunes hanggang Sabado.

Muling pinapaalala ng LTFRB na bagama’t makakapag-issue na ang ahensiya ng updated fare matrix/guide, sa Okt. 3, 2022 (Lunes) pa epektibo ang “fare increase” sa mga PUV.

Sa ngayon, wala pang fare hike hanggang hindi pa epektibo ang fare increase, saad ng LTFRB.

Bukod diyan, kailangan pa ring sumunod sa mga alituntunin at polisiya ng ahensiya ang mga PUV driver at operator, alinsunod sa mga kundisyon at probisyon ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC) at Joint Administrative Order 2014-01.

Kung may reklamo patungkol sa pagpapatupad ng fare increase sa mga pampublikong sasakyan, maaaring ipaabot ang mga reklamo sa LTFRB 24/7 Hotline: 1342 o mag-send lang ng message sa LTFRB Official Facebook page o magtungo sa official website ng LTFRB.

AUTHOR PROFILE