Lacuna

Mayor Honey iniutos muling pagbuo ng PLEB

November 7, 2022 Edd Reyes 563 views

MATAPOS mapaso ang termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) sa anim na distrito ng Lungsod ng Maynila, naglabas ng kautusan si Manila Mayor Dr. Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan sa muling pagbuo ng mga bagong opisyal ng naturang tanggapan.

Sa dalawang pahinang kautusan na inilabas ng alkalde, sinabi niya na may pangangailangan na buuing muli at organisahin ang mga uupong opisyal ng PLEB na pipiliin ng City of Manila Peace and Order Council makaraang mapaso noong Oktubre 17, 2022 ang termino ng mga kasaluuyang nanunungkulan.

Ang paglikha ng tanggapan ng PLEB ay nasa ilalim ng mandato ng Revised Rules of Procedure ng Administrative Disciplinary Authorities at ng Internal Affairs Service ng Philippine National Police (PNP).

Sa ilalim ng inilabas na Executive Order No. 53 Series of 2022 ni Mayor Lacuna-Pangan, itinalaga si Atty Stanlee Calma bilang Chairman ng PLEB ng 1st District habang sina Konsehal Nino Dela Cruz, Punong Barangay (P/B) Ernesto Nunez, Jennifer Leonardo at Armando Japzon ang mga miyembro.

Sa 2nd District, tumatayo bilang Chairman si Atty. Israel Peren at mga miyembro naman sina Konsehal Darwin Sia, P/B Josefino Marcelo, Jaime Clamar, Jr at Edward Tan habang sa 3rd District naman ay natalaga si Teresita Ang-See bilang Chairperson at miyembro niya sina Konsehal Pamela Fugoso-Pascual, P/B Edgardo Abrigo, Alberto Go, Jr. at Marilou Chan.

Si Atty. Luzviminda Manahan ang itinalagang Chairperson ng PLEB sa 4th District, kasama sina Konsehal Joel Villanueva, P/B Federico Magpantay, Zenaida Matias at Patricio Cabasal bilang mga miyembro habang sa 5th District ay natalaga si Atty. Martha Farolan bilang Chairperson at miyembro niya sina Konsehal Ricardo Isip, Jr. P/B Alexander Cubillas, Maria Zenaida Elena Reyes at Cenon Lopez.

Sa ika-anim na distrito, tumatayo bilang Chairman si Atty. Arturo Pineda kasama sina Carlos Castaneda, P/B Mithi Castro, Catherine Pimentel at Antonio Angeles bilang mga miiyembro.

Nakasaad din sa kautusan na ang mga miyembro ng PLEB sa anin na distrito ng Lungsod ng Maynila ay nararapat na gampanan ang kanilang mga sinumpaang tungkulin na naaayon sa batas at sa mga ilalabas na memorandum circulars hanggang hindi nagtatapos ang kanilang termino ng panunungkulan sa Oktubre 22, 2023 o mas maaga pa kung sakali at alisin sila sa puwesto.

Sinabi ni Mayor Lacuna-Pangan na magpapadala sila ng kopya ng inilabas na kautusang nilagdaan niya noong Oktubre 28, 2022 at sinertipikahan ni Atty. Marlon Lacson, ang Secretary to the Mayor, sa tanggapan ng Pangulo sa Palasyo ng Malakanyang.

AUTHOR PROFILE