Default Thumbnail

Netizen: ‘Papatayin ko lahat ng estudyante’

November 7, 2022 Edd Reyes 413 views

SINUSPINDE ng pamunuan ng Signal Village National High School ang kanilang klase matapos magbanta ang isang “Sofia Smith” na magpapasabog at papatayin ang lahat ng estudyante habang may nagaganap na aktibidad sa naturang paaralan na Live na ipinalabas sa kanilang Facebook account.

Nag-viral ang nakasaad sa komento ng isang Sofia Smith na nagsabi ng katagang “Papatayin ko lahat ang mga estudyante sa Taguig Signal Village sa Taguig City kagaya ng nangyari sa Thailand, humanda kayo, magpapasabog ako diyan sa Signal, papatayin ko kayong lahat.”

Paulit-ulit pang sinabi sa komento ni Smith ang mga pagbabanta na umani ng pangamba sa mga estudyante, dahilan upang suspendihin ang klase.

Kaagad namang nagpadala ng kanilang bomb squad ang Taguig City Police sa punong gusali at annex building ng naturang paaralan matapos pauwiin muna ang mga estudyante upang makapagsagawa ng paghahanap kung mayroon ngang bomba sa paaralan.

Sa naging pahayag naman ni Taguig City Police Chief P/Cpl. Robert Baesa, sinabi niya na gumagawa na sila ng mga hakbang, katuwang ang Lokal na Pamahalaang Lungsod ng Taguig, upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at iba pang kawani ng naturang paaralan.

Nagsasagawa na rin aniya sila ng malalimang imbestigasyon at pagsusuri sa komento sa fb ng nagpakilalang Sofia Smith, katuwang ang PNP Anti-Cybercrime Group upang alamin ang pagkakakilanlan sa suspek na posibleng gumamit lamang ng pekeng pangalan.

Inatasan na rin ni Col. Baesa ang mga tauhan ng Taguig Sub-Station 6, Special Weapon and Tactics (SWAT) team at Explosive Ordnance Division (EOD) kasama ang K9 Unit na magpatrulya sa Signal Village, partikular sa paligid ng naturang paaralan.

Napagalaman na mahigit 9,000 mga estudyante na binubuo ng mga mag-aaral sa elementarya, junior high school, high school at senior high school ang nag-aaral sa naturang paaralan na matatagpuan sa Ballecer St. Central Signal Village sa naturang lungsod.

AUTHOR PROFILE