Default Thumbnail

Araw-araw na 1 buwang job fair sa Maynila inilunsad

November 7, 2022 Edd Reyes 253 views

SINIMULAN na ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang araw-araw na isang buwang job fair bilang maagang “pamaskong handog” sa mga Manilenyong nagnanais magkaroon ng oportunidad na makahanap ng trabaho.

Mismong si Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang nanguna sa paglulunsad ng isang buwang job fair na nagsimula ng Lunes, Nobyembre 7, sa pamamagitan ng Manila Public Employment Service (PESO) na ginanap sa karugtong nilang tanggapan sa Park N’ Ride Building sa Lawton, Ermita.

Sa pahayag ni PESO Director Fernan Bermejo, sinabi niya na napakarami ang mga posisyong ini-aalok sa mga kompanyang kalahok dito, kabilang ang production workers, field sales agent, office staff, delivery driver, admin and online staff, warehouse helper, digital marketing assistant, accounting staff, salesman, operating staff, motorized sales agent, admin clerk, HR Specialist, audit staff, medical secretary, medical technology, data analyst, cashier at marami pang iba.

Hinimok ni Director Bermejo ang mga aplikante na mag-register sa Google form link na maaaring makita sa Public Employment Service Office City of Manila Facebook Page upang maiwasan ang pagdagsa ng mga aplikanteng naghahanap ng trabaho.

“Hindi na po kailangang maghintay ng aming tawag ang mga aplikanteng nag-register. Ipakita na lamang ang screenshot ng confirmation page sa dulo ng Google form,” dugtong pa ni Bermejo.

Nagpaalala rin ang opisyal sa mga aplikante na magdala ng sampung kopya ng kanilang pinakabagong resume, itim na ball pen, at magsuot ng semi-casual na kasuotan sa kanilang pag-aapply ng trabaho.

AUTHOR PROFILE