MAY 1,326 LOTTO WINNERS NOONG TAONG 2005

October 3, 2022 Marlon Purification 128 views

Marlon PurificationHINDI ko masisi kung marami tayong kababayan ang nagtataasan ang kilay ngayon dahil sa napaulat na 433 bettors ang nanalo at maghahati-hati sa P236 million-worth na grand prize ng 6/55 Grand Lotto noong nagdaang Sabado, Oktubre 1.

Natural lang na marami ang magduda rito dahil sa biglang tingin, parang napakaimposibleng mangyari nito.

Pero tulad ng pahayag ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles, ang lotto ay ‘game of chance’ na bagaman medyo malayo ang probabilidad na manalo ay possible ring may manalo at mag-uwi ng malaking per ana papremyo.

Gusto kong ibahagi sa ating mga mambabasa na noong October 31, 2005, may 1,326 bettors ang nanalo sa second prize ng 6/45 Grand Lotto.

Ang kombinasyon nito ay 3-18-23-28-37-42.

Samantalang itong pinakahuling nanalo ng maramihan sa grand prize ay may kombinasyong numero na 09-45-36-27-18-54 na ‘divisible’ by number 9.

Kung ang kanilang numero 18 ay naging 19, malamang ay nayanig din ang buong Pilipinas dahil ang 1,326 na nanalo ng second prize ay maghahati-hati grand prize na P2,709,583.20.

Anim na mananaya ang nanalo sa grand prize noong panahong iyon na siguradong naging ‘instant millionaire.’

Nanindigan si Robles na walang iregularidad na naganap at ang mga pangyayaring ito ay nangyayari sa hindi inaasahang pagkakataon.

“Maraming tumataya ng alagang numero, loyalty-based (Many held on to their numbers),” dagdag pa ni Robles.

“It’s not only good to be loyal to your wives and husbands, it’s also good to be loyal to your numbers,” dagdag pa niya.

Bago ang raffle, isa-isang sinuri ang mga bolang ginamit, ang bigat at timbang nito ay tiningnan, gayundin ang makina ay sinuri ng eksperto at ilang observers.

“We would like to assure the public that the PCSO is honest about its responsibility and mandate to conduct games that are trustworthy, have integrity, utmost sincerity, and transparency,” wika ni Robles.

Sinabi ni Robles na nanalong numero ay ‘alaga’ na ng mga mananaya.

Normal ito sa mga bettors at bilang patunay, may tumataya at nag-aalaga rin ng numerong 1-2-3-4-5-6.

Ang mga nanalo ay mula sa iba’t ibang panig ng bansa, particular na sa Metro Manila at Zamboanga.