Bawal ba mamasyal ang Pangulo?

October 3, 2022 Erwin Tulfo 109 views

TulfoBUMIYAHE muli si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos (BBM) nitong Sabado at Linggo para manood ng 2022 Formula 1 Singapore Grand Prix sa Marina Bay Street Circuit.

Magta-tatlong buwan na mula ng manilbihan bilang ika-17 Chief Executive ng bansa, nitong nakaraang weekend lamang ito nakapagpahinga at mamasyal out of the country.

Ngunit may mangilan-ngilan na kababayan tayo na ginawan ng isyu ang pagtungo ng Pangulo sa Singapore para lang daw manood ng karera ng sasakyan habang nasa mga evacuation center ang mga nasalanta ng supertyphoon Karding.

Di nila maunawaan na tatlong buwan nang humahataw si BBM kahit na noong sumama ang pakiramdan nito.

Bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), saksi ako sa kasipagan at pagmamalasakit ng Pangulo na kahit Sabado at Linggo, nakatutok pa rin siya sa kanyang trabaho.

Dapat maintindihan ng mga bumabatikos sa Pangulo na ang lahat ng kailangan gawin ay isinasagawa na ng mga kagawad ng DSWD at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Ang Pangulo ay isang macro manager kaya di niya kinakailangan na nasa lugar ng kalamidad dahil iyun ay tungkulin ng mga Cabinet secretaries at ibang mga lingkod-bayan.

Sa utos ni PBBM, ang DSWD ay nag-preposition o naglagak ng relief goods sa mga calamity-prone areas.

Ang diskarteng ito ay lubos na nakatulong nang maganap ang pagbabagyo dahil mas mabilis na naipamigay ang mga family food packs at iba pang relief goods sa mga kababayan natin sa malalayong lugar at mga isolated areas ng flashfloods at landslides.

Binasbasan ng Pangulo ang pamamahagi ng P50 million halaga ng family food packs at iba pang essential items, ganuon din ang financial assistance nasiraan ng bahay at pananim.

Patuloy ang pagsusubaybay ni PBBM sa aming mga gawain kahit noong nasa New York siya at inaalam niya sa pamamagitan ng telepono ang pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad noong nakaraang buwan.

Ipinaaalala ko lang sa mga kontra kay PBBM na nagbubunganga tungkol sa pagpunta muli niya sa Singapore, this time para magrelax, na ang Pangulo ay nakatanggap doon noong nakaraang buwan ng US$6.54 bilyong investment pledges para sa manufacturing ng electric tricycles and floating solar technology.

Ang kanyang pagbabalik sa Singapore naging daan din para lalung pagtibayin ang diplomatic relations ng Pilipinas sa mga bansa ng mga diplomats at dignitaries na natipun-tipoon doon para manood din ng F1 Grand Prix.

Ang Singapore government ay nangako rin ng di bababa sa 10,000 new job orders for Filipino workers, bilang karagdagan sa 200,000 na naroon sa naturang City State.

Ang Pangulo at kanyang economic team ay nakatanggap din ng US$8.5 billion in investment pledges sa pagbisita sa Indonesia sa unang bahagi ng kanyang first official overseas trip noong Setyembre.

Ang pagtungo ni BBM sa Singapore para sa isang well-deserved R & R ay kasunod din ng kanyang makasaysayang pagtatalumpati sa harap ng United Nations General Assembly (UNGA) sa New York.

Nakakuha siya ng karagdagang US$4 billion in investment pledges doon matapos makipagpulong kay US President Joe Biden at gayudin sa mga miembro ng US-Association of Southeast Asian Nations Business Council at ng US Chamber of Commerce

Sa ika-100 araw ng administrayong PBBM sa Oktube 9, alam natin na hindi nasayang mahigit sa 31 milyong boto na ating iginawad kay PBBM noong May 2022 elections dahil siya ay totoong nagtatrabaho at walang pahinga na lider.

At tulad ng mga ordinary government workers, may karapatan din ang Pangulo na magbakasyon at magpahinga gamit ang sariling pera at oras.

Nakasaad ba sa batas na bawal lumabas ang Pangulo ng bansa para magrelax kasama ang pamilya kung wala namang pasok tulad ng weekend?

AUTHOR PROFILE