Mapayapang pagdiriwang ng Pasko hangad nina Artes at Estomo

December 21, 2022 Edd Reyes 95 views

Edd ReyesHINDI talaga maiiwasan na tumindi ang daloy ng trapiko sa mga lansangan sa Kamaynilaan dahil sabik ang mga taong ipagdiwang ang Kapaskuhan matapos ang mahigit dalawang taong problema sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Kaya marami talaga ang umiinit ang ulo sa lansangan lalu na kung nagmamadali sa kanilang pupuntahan o sa pamimili ng mga regalong pamasko na humahantong sa karahasan kaya panay ang panawagan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty Romando Artes sa mga motorista na magbaon ng isang katerbang pasensiya.

Sa ganito ring panahon nagsasamantala naman ang mga holdaper, snatcher, salisi gang, swindler, at shop lifter kaya mahigpit naman ang tagubilin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Jonnel Estomo sa mga District Directors na atasan ang kanilang mga tauhan na bantayan ang kaligtasan at seguridad ng mamamayan.

Kung ikukumpara nga naman sa mga nakalipas na taon sa panahon ng Kapaskuhan na wala pang pandemya, mas mababa ang antas ng krimeng nagaganap ngayon sa Metro Manila dahil epektibo ang programa ni MGen. Estomo na S.A.F.E. NCRPO kaya hindi talaga natutulog ang mga pulis para tiyaking protektado at mapagsisilbihan nila ang publiko,

Mga rides sa mga Amusement Center tiyaking ligtas

HUWAG naman sanang magkaroon pang muli ng disgrasya sa mga itinatayong amusement centers sa iba’t-ibang lugar sa lalawigan ng Pangasinan na sakop ni Police Regional Office (PRO)-1 Director P/BGen. John Chua.

Sariwa pa kasi sa ala-ala ng mga taga-Pangasinan ang nangyaring insidente sa Urdaneta City noong nakaraang buwan kung saan tumilapon ang 13-anyos na binatilyo sa isang amusement ride at na-ospital dulot ng matinding pinsalang tinamo.

Ganito rin ang nangyari sa tatlo katao, kabilang ang isang bata, nang tumilapon matapos kumalas ang turnilyo ng sinasakyan nilang amusement ride sa Masinloc, Zambales, noon ding nakaraang buwan.

Karamihan kasi sa mga operator ng mga itinayong amusement center sa mga lalawigan ay hindi ganoon kalaki ang puhunan kaya’t walang katiyakan kung ligtas nga talaga sa disgrasya ang ilan nilang mga rides. Binabawi na lang kasi nila ang malaking gastos sa mga operator naman ng ilegal na sugal na pinapayagan nilang makapaglatag ng mga mesa ng sugalan sa loob ng kanilang amusement center, kapalit ng ibabayad na upa.

Dapat sigurong atasan ni Pangasinan Gov. Ramon Mon-Mon Guico ang mga lokal na pinuno ng mga siyudad at bayan sa lalawigan na ipasuri muna sa kanilang mga tauhan kung wasto ang mga safety gear ng mga rides bago bigyan ng permimo na makapag-operate.

Namumutiktik pa naman ngayon sa dami ng mga itinayong amusement center sa Pangasinan gaya ng sa Urdaneta Bonus Shopping Center, sa likod ng palengke ng Villasis, Plaza Saliente sa Bayan ng Umingan, sa plaza ng San Jacinto, plaza ng Bayan ng Mangaldan at plaza ng Bayan ng Binmaley na binabantayan ng mga magkakamag-anak na kilala lang sa alyas na Budi, Rommel, Feliciano, Alvin, Roland at Rene.

May mga amusement centers din na nilatagan ng mga illegal na sugal nina alyas Oldak, Maribel,, Engineer, Magat, Bebot at Joey sa Urdaneta Highway, sa Bayan ng Natividad, sa Pozorrubio, plaza ng San Fabian, plaza ng Bayan ng Aguilar, sa mga Bayan ng San Carlos, Mangatarem at Mabini na dinadayo gabi-gabi ng mga kabataan.

Kng sabagay, masipag namang mag-ikot si Pangasinan Provincial Director P/Col. Jeff Fanged kaya tiyak na mababantayan niya ang kaligtasan ng mga kabaataan, hindi lamang sa pagkahumaling sa ilegal na sugal, kundi lalu na sa panganib na dala ng mga depektibong amusement rides.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

AUTHOR PROFILE