Isko1 Pormal nang nilunsad nina Aksyon Demokratiko Presidential aspirant Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso kasama ang tandem sa pagka-bise presidente Dr. Willie Ong, senatorial bets na sina Samira Gutoc, Jopet Sison, at Dr. Carl Balita ang simula ng kampanya sa proclamation rally sa Kartilya ng Katipunan, Manila City Hall, Martes, Peb. 8, 2022. Kuha ni Jon-Jon Reyes

Manileños nagpakita ng suporta kay Isko

February 9, 2022 Jonjon Reyes 264 views

SA panimula ng kampanya nitong Martes, nagpakita ng puwersa at suporta ang mga Manileños sa presidential bid ni Manila Mayor Isko Moreno kasabay nang pag-arangkada ng panahon ng kampanya para sa May 9, 2022 national elections.

Nagkulay-asul ang mga kalye sa Maynila dahil sa dami ng mga supporters ni Moreno, na nakasuot ng mga asul na t-shirts at walang pagod na sumasalubong at naghintay sa motorcade ng alcalde na tumatakbo sa pagkapangulo sa ilalim ng partidong Aksyon Demokratiko.

Nabatid na bago ang motorcade, dumalo muna si Moreno at ang kanyang mga kapartido, kasama ang running mate na si Doc Willie Ong at senatorial candidates na sina Dr. Carl Balita, Samira Gutoc, at Atty. Jopet Sison, ng isang banal na misa sa Sto. Niño Parish Church sa Tondo, ganap na alas-7:30 ng umaga.

Inihalintulad rin ni Moreno ang kanyang sarili sa Biblical character na si David na lumaban sa higanteng si Goliath.

“The oldest history is in the Bible. Ang sinabi ‘yung mga matatangkad, matatayog, mga kilala, malalakas, tinalo ni David na galing sa ordinaryong pamilya. So, sa akin history repeats itself. May kasabihan rin na ganon. So, may awa ang Diyos,” ayon kay Moreno.

Naniniwala si Moreno na tulad ni David ay kaya niyang talunin ang mga “Goliaths” ng Philippine politics at maging susunod na pangulo ng Pilipinas.

Ipinangako rin ni Moreno na tutugunan niya ang mga pangunahing pangangailangan at suliranin ng bansa tulad ng kanyang ginawa sa Maynila kung saan tinutukan niya ang health, livelihood, education, health care, poverty, hunger, unemployment, inequality, social injustice at iba pa.

Matapos ang misa, si Moreno at ang kanyang teammates ay sumama na sa “Blue Wave” caravan sa buong lungsod ng Maynila, sa pangunguna ng may 10,000 motorcycle riders na nakasuot rin ng blue t-shirts.

Libo-libong mga residente rin ang nagwagayway ng kulay asul na banners habang wini-welcome ang alkalde at ang kanyang grupo.

Matapos naman ang motorcade, nagsagawa ang partido ng simpleng proclamation rally sa Kartilya ng Katipunan sa Bonifacio Shrine sa tabi ng Manila City hall ganap na alas-6:00 ng gabi.

“As much as possible kasi gusto ko pa rin unawain ‘yung katatayuan ng tao na may pandemiya pa, may impeksiyon pa. So, hangga’t maaari, siyempre gusto ko maiparamdam sa kanila na hindi lang ‘yung sarili namin ang iniisip namin, ‘yung kampanya namin, but also ‘yung katayuan nila sa loob ng impeksiyon,” dagdag pa nito. Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE