Manila COVID-19 Field Hospital sinimulan nang baklasin

November 3, 2022 Edd Reyes 116 views

SINIMULAN na ng Manila City Engineering Office ang pagbabaklas sa COVID-19 Field Hospital sa Luneta Park makaraan ang mahigit isang taong pagsisilbi sa mga pasyenteng may bahagyang sintomas ng COVID-19 na hindi na kinakailangang pang dalhin sa pagamutan.

Sinabi ni Engineer Joseph Bulanon ng Manila City Engineering Office na katuwang nila sa ginagawang pagbabaklas ang Manila Health Department (MHD), sa ilalim ng pamumuno ni Director Dr. Arnold “Poks” Pangan, na nangasiwa sa paglilipat ng mga kagamitan at apparatus na gamit para sa mga pasyente.

Hindi aniya kaagad nilang mababaklas ang mga container van hangga’t hindi naiaalis ang lahat ng mga kagamitan at medical apparatus sa loob ng field hospital.

“Mga two weeks pa yata matatapos ang pag-aalis ng mga medical equipment ng MHD sa Field Hospital kaya kapag naialis na nila ang mga ito, saka pa lang kami makakapagsimula ng pag-dismantle sa mga container van,” sabi ni Engr. Bulanon.

Nauna rito’y tiniyak ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na hindi masasayang ang mga kagamitan sa loob ng babaklasing field hospital dahil ipamamahagi nila ang mga ito sa anim na pampublikong pagamutan sa lungsod habang ang mga container van naman ay kanilang gagamitin bilang pansamantalang pabahay sa Baseco Compound.

Nabanggit din ng alkalde na nauna ng hindi pinagbigyan ng National Parks Development Committee (NPDC), ang ahensiyang nasa ilallim ng pamamahala ng Department of Tourism (DOT) na nangangasiwa sa Luneta Park, ang kahilingan ng Pamahalaang Lungsod na mapalawig pa ng hanggang Disyembre 31, 2022 ang operasyon ng field hospital o hangga’t hindi inaalis ng Pambansang Pamahalaan ang “public health emergency” sa buong bansa.

Ayon sa alkalde, karamihan naman sa mga pasyente sa kanilang field hospital ay mga overseas Filipino workers (OFWs) na mas pinili pa ang mag-home quarantine sa halip na manatili sa kanilang quarantine facility.

“Since maluwag naman po ang mga ospital namin ngayon, puwede pa naman silang ma-accommodate at meron pa rin naman kaming quarantine facility kaya meron pa rin po tayong paglalagyan,” banggit pa ng alkalde.

Magugunita na itinayo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang Manila COVID-19 Field Hospital sa harap ng Quirino Grandstand sa Luneta Park sa panahon ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bilang tugon sa problema ng pandemiyang dulot ng COVID-19.

Naglaan ang Sangguniang Panlungsod ng halagang P154 milion para sa konstruksiyon ng naturang pasilidad at napasimulan ang pormal na operasyon nito noong Hunyo 25, 2021, isang araw matapos ganapin ang pagpapasinaya sa pagdiriwang ng “Araw ng Maynila.”

AUTHOR PROFILE