Malaki na ang ipinagbago na BoC

July 3, 2022 Vic Reyes 87 views

Vic ReyesKAHIT wala pang naitatalagang bagong hepe ng Bureau of Customs (BOC) ay patuloy pa ring nagtatrabaho ang mga tauhan nito, lalo na pagdating sa kampanya laban sa ismagling.

Noon ngang nakaraang linggo ay nakasakote ang mga tauhan ng ahensya ng mga “misdeclared fresh white onions” na nagkakahalaga ng mahigit P6 milyon.

Nakalagay sa tatlong 40-foot containers, ang mga kontrabando ay deklaradong steamed buns.

Ang mga container ay dumating sa Manila International Container Port (MICP) mula sa China.

Sinabi ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero na “we are confident of the kind of work that we do, especially when it comes to stopping the smuggling of agricultural products.”

Sa totoo lang, sinabi pa ni Guerrero na seryoso ang BOC sa paglaban sa pagpupuslit ng agricultural products na siyang nagpapahirap sa mga magsasaka at mangingisda.

Ayon naman kay BoC Depcom for Intelligence Raniel Ramiro na nakatanggap ang kanyang opisina ng isang “derogatory information” na ang shipment ay naglalaman ng mga produktong “misdeclared” at “undeclared.”

Ayon pa kay Ramiro, tuloy-tuloy ang ginagawa nilang pagbabantay sa borders.

“This is a continuous effort and we will not rest until we put an end to these attempts of running through our importation laws,” dagdag ni Depcom Ramiro.

Mahirap talagang patigilin ang ismagling dahil napaka-lucrative na negosyo nito.

Pero malaki na ang ipinagbago ng BoC mula ng pamunuan nina Guerrero at Ramiro.

Napakarami na ng nahuli nilang kontrabando at marami na rin silang nakasuhan sa DoJ.

***

Dumarami na naman ang nagkakasakit ng COVID-19 sa bansa, lalo na sa Metro Manila.

Ito ay isang “eye-opener” hindi lang sa mga otoridad kundi pati na sa mga ordinaryong mamamayan mula Batanes sa Norte hanggang sa Sulu sa Mindanao.

Huwag natin balewalain ang unti-unting pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil nandiyan pa rin ang nakamamatay ng virus na galing pa sa China.

Tandaan natin na, kagaya ng ibang bansa sa buong mundo, na mahigit na dalawang taon na tayong pinahihirapan ng sakit na ito`.

Sa totoo lang, bagsak ang ating ekonomiya dahil marami pa ring business establishments ang sarado hanggang sa ngayon bunga ng kawalan ng pondo.

Isa pa, wala ring pera ang mga kostumer dahil hindi sila makahanap ng trabaho.

Ang kailangan ay makontrol ang pagkalat ng virus sa pamamagitan ng pagsusuot ng maskara, regular na paghuhugas ng kamay at sumunod sa social distancing policy ng gobyerno.

Huwag tayong gumaya sa mga matitigas ang ulo na akala mo ay hindi sila tatablan ng sakit.

Maawa tayo sa ating sarili at sa ating mga mahal sa buhay, lalong-lalo na ang mga bata at matatanda.

Hindi ba, Pangulong Bongbong Marcos Jr.?

***

Naniniwala tayo na isa sa mga araw na ito ay mabibigyang solusyon ng administrasyon ang patuloy na pagtaas ng presyo ng halos lahat ng mga bilihin.

Hindi madaling gawin ito dahil sa patuloy na away ng Russia at Ukraine na nakakaapekto sa supply ng trigo at mga produktong petrolyo sa buong daigdig.

Kailangang matapos na ang hidwaang ito para bumalik na sa normal ang pamumuhay natin.

Aminado ang marami na lalo pang tataas ang presyo ng mga pangunahing commodity, kasama na ang pagkain, kung tatagal pa ang hidwaan na ito sa Europa.

Bigyan lang natin ng kaunti pang panahon ang gobyerno para makabalangkas ng isang “program of action” para umarangkada muli ang ating eknomiya.

Pang-apat na araw pa lang nakaupo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Hindi biro ang mga minana niyang problema. Marami at mabibigat pa ang mga ito.

Sa tulong ng taumbayan, alam kong malalampasan natin ang krisis na nagpapahirap sa ating lahat.

(Para sa inyong mga reklamo at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484 email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE