LTO Source: LTO Pampanga file photo

Maghanda sa pagbalik ng pasahero sa bahay, trabaho –LTO chief sa RDs

March 31, 2024 Jun I. Legaspi 111 views

INATASAN ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang lahat ng regional directors (RDs) at iba pang opisyal ng ahensya na maging alerto bilang paghahanda sa pagbabalik ng milyun-milyong tao sa kanilang mga pinagtatrabahuan pagkatapos ng Semana Santa.

Alinsunod sa tagubilin ni Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista ang utos ni Mendoza na tiyakin ang ligtas na pagbabalik ng mga Pilipino sa kanilang trabaho at pamamahay.

“We are expecting the start of the land travel of some of our kababayan on Sunday, March 31, so my instruction is to implement the same road safety measures before the Holy Week exodus,” saad ni Mendoza.

Kabilang sa mga ito, aniya, ay ang inspeksyon sa road worthiness ng mga pampasaherong bus na umaalis sa mga bus terminal sa mga lalawigan at ang pagkakaroon ng mga enforcer sa mga pangunahing lansangan sa pakikipag-ugnayan sa mga local government units at iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng Philippine National Police (PNP).

“Huwag magmaneho ng wala sa kundisyon ang katawan o sarili at tiyakin na may sapat na pahinga bago magmaneho. At higit sa lahat, magbaon tayo ng mahabang pasensya para maiwasan natin ang road rage dahil wala naman mabuting idinudulot ang galit sa kalsada,” dagdag pa niya.

Inaasahan ng mga awtoridad ang matinding traffic build-up simula Linggo ng hapon, lalo na sa mga pangunahing entry point ng Metro Manila at iba pang urban areas sa pagbabalik ng milyun-milyong tao na bumiyahe sa kanilang mga probinsya para sa Semana Santa.

AUTHOR PROFILE