Default Thumbnail

Magbabarkada lumangoy sa Navotas ilog, isa nalunod

August 7, 2022 Edd Reyes 276 views

NABAHIRAN ng trahedya ang masayang paglalangoy ng magkakabarkada sa Tanza River habang nasa kasagsagan ng ulan nang bigla na lamang mawala ang isa sa kanila makaraang tumalon sa ilog noong Biyernes ng hapon sa Navotas City.

Sa kabila ng pagsisikap ng magkakabigan na mahanap ang barkada nilang si Jerick Latorre, 37, negosyante at residente ng Habitat, Tanza 2, bigo silang makita ang biktima kaya’t ipinabatid kaagad nila sa mga magulang ng lalaki ang pangyayari.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Levi Salazar ng homicide section ng Navotas police, dakong 3 p.m. nang hindi na lumutang matapos tumalon sa Tanza River malapit sa water gate ng Socialized Housing, Tanza 2 ang biktima kaya’t nang malaman ito ng kanyang ama, kaagad na humingi ng tulong sa Navotas Police Community Precinct (PCP) 1 na sila namang nagpabatid sa tanggapan ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ginalugad naman kaagad ng mga tauhan ng PCG sa pangunguna ni Ensign Ar-Jay Gajelomo, kasama sina SFO2 Lope Claridad ng Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) ang paligid ng ilog hanggang sa matagpuan nila ang bangkay ng biktima dakong alas-3 ng madaling araw ng Sabado.

Wala namang nakitang palatandaan ang mga otoridad na naging biktima ng karahasan ang negosyante kaya’t ipinasiya ng kanyang mga magulang na huwag ng isulong ang pagsisiyasat ng pulisya sa kanyang pagkamatay sa paniwalang aksidente ang nangyari.

AUTHOR PROFILE