Scam

Mag-jowang suspek sa illegal recruitment tiklo

April 19, 2024 Steve A. Gosuico 66 views

GUIMBA, Nueva Ecija – Arestado ang mag-live-in partner na itinuturong illegal recruiter sa magkahiwalay na operations ng pulisya noong Huwebes.

Kinilala ni Guimba police chief Lt. Col. Ranny Casilla ang nahuling suspek na 47-anyos at 42-anyos, kapwa ng Brgy. Camiing ng bayang ito.

Sinabi ni Casilla na dating Overseas Filipino Workers (OFWs) ang dalawang suspek na umano’y nanloko ng may 20 biktima sa kanilang iligal na gawain.

“Parang ahente lang sila, hindi sila ang recruiter. Nag-start sila last year. Sila ang nakilala kasi sila ang humaharap sa tao, sila ang tumatanggap ng perang ibinibigay sa recruiter,” sinabi ni Casilla sa Journal Group.

Inakusahan din ang dalawa na niloko ang kanilang mga biktima sa paniningil ng P10,000 bawat isa bilang “medical fee.”

“Nakasuhan sila dahil gustong mabawi ng tao yung ibinayad nila,” dagdag ng opisyal.

Inaresto ang mag-asawa matapos magsilbi ang mga awtoridad ng warrant of arrest para sa large-scale illegal recruitment o paglabag sa Republic Act No. 8042 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995) na inisyu ni Presiding Judge Rosita L. Dela Fuente-Torres ng Guimba regional trial court.

Sinabi ni Casilla na unang nahuli ang babaeng suspek sa Brgy. Faigal alas-10:25 ng umaga kasunod ng pag-aresto sa lalaki sa Brgy. Camiing bandang alas-11:30 ng umaga.

Nakakulong ngayon ang dalawang sa detention facility sa bayang ito para sa kaukulang disposisyon.

AUTHOR PROFILE