Default Thumbnail

Lola todas sa rumaragasang trak

August 12, 2022 Melnie Ragasa-limena 325 views

TODAS ang isang lola nang mahagip ng rumaragasang trak habang tumatawid sa kahabaan ng Kamias Road sa Quezon City, Biyernes ng tanghali.

Ang biktima ay nakilalang si Aurella P De Vera, 58, at naninirahan sa K6 4, West Kamias, Quezon City.

Agad namang inaresto si Romel Dela Cruz Torio, driver ng Howo Tipper Truck (NBM 2607), 43, at residente ng 168 B, Sitio Kaliwa Batasan Hills, QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCMS Norlan M Margallo, ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3, bandang 12:45 ng tanghali (August 12) nang mangyari ang aksidente sa kanto ng Kamias Road at Col Salgado Sts., sa Brgy. West Kamias, sa lungsod.

Tumatawid umano ang biktima sa lugar nang biglang mahagip ng trak na minamaneho ni Torio galing Edsa patungong Anonas Road.

Agad na isinugod ang biktima sa East Avenue Medical Center subalit binawian din ito ng buhay bandang 1:06 ng hapon sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa ulo.

Nakapiit na ang truck driver habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting to homicide.