Default Thumbnail

Apat, kabilang ang isang lolo, tiklo sa P.2M shabu

August 12, 2022 Edd Reyes 318 views

APAT na notoryus na diumano’y mga “drug pusher”, kabilang ang isang senior citizen, ang nakumpiskahan ng mahigit P.2 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Taguig City.

Sa ulat na tinanggap ng Southern Police District (SPD), dalawang grupo ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig Police ang magkasabay na nagsagawa ng operasyon laban sa mga nagbebenta ng ilegal na droga dakong alas-8 ng gabi sa magkahiwalay na lugar sa Barangay Lower Bicutan.

Ang ginawang operasyon sa Navy Road Ext. Purok 1A, Bgy. New Lower Bicutan ay nagresulta sa pagkakadakip sa 68-anyos na lolong suspek at isang babae, matapos magbenta ng shabu sa mga pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa kanila ang mahigit-kumulang sa 28.5 grams na may halagang P193,800 at ang P500 markadong salapi na ginamit sa pagbili ng droga.

Kasabay nito’y nadakip naman sa Narraville St. Purok 1 Bgy. New Lower Bicutan ang dalawa pang lalakeng suspek, kung saan nakumpiska ang 12 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P81,600 at P100 markadong salapi.

Ayon sa pulisya umabot sa halagang P275,400 na halaga ng shabu ang nakumpiska sa magkasabay na operasyon isinagawa ng mga tauhan ng SDEU ng Taguig Police.

AUTHOR PROFILE