Mayor Honey umapela sa mga magulang na pabakunahan ang mga anak
MULING umapela si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa mga magulang at tagapag-alaga ng mga menor de edad na pabakunahan na ang kanilang mga anak lalo na at paparating na ang Agosto 22 kung saan magsisimula muli ang face-to-face classes matapos ang mahigit dalawang taon.
Sa Capital Report na ipinalabas sa kanyang opisyal na Facebook Page Biyernes ng hapon, nanawagan din ang alkalde sa mga matatanda at mga taong may comorbidity na magpaturok na ng kanilang booster shots na ibinibigay sa apat na shopping malls at sa mga pampublikong pagamutan sa anim na distrito ng lungsod.
Ang panawagan ni Mayor Honey ay dahil na rin sa kanyang napunang mababang bilang ng mga menor de edad at matatanda na nagpupunta sa kanilang vaccination sites na naghahandog ng una at ikalawang dose ng COVID-19 vaccine at booster shots.
Sa kanyang ulat, umaabot lamang sa 77,230 na mga batang may edad na lima hanggang 11 taong gulang ang nagpabakuna ng unang dose at 66,193 o kabuuang 143,423, habang sa mga batang may edad na 12-17; 154,206 ang tumanggap na ng first dose at 145,470 naman sa second dose o kabuuang 299,676.
Sa mga kuwalipikado namang tumanggap ng kanilang booster shots, umabot lamang sa kabuuang 625,427 ang nagpabakuna ng 1st booster at 64,269 naman sa second booster.
“Kung papansinin po ninyo, medyo mababa pa po ang ating nababakunahan sa mga minors natin aged 5-11 at maging doon po sa nakatatanda para sa kanilang first at second booster shots,” sabi ng alkalde.
Ipinabatid ni Mayor Honey na noong nagkaroon ng pagpupulong ang mga miyembro ng Metro Manila Council (MMC) na kinabibilangan ng lahat ng alkalde ng Metro Manila, isa aniya sa mga tinalakay ay dapat na ang pawang mga nakatanggap lamang ng booster shot ang ikonsidera na mga “fully vaccinated”.
“So, nananawagan po ako sa inyo, baka ito po ay ipatutupad na sa mga susunod na araw o linggo na hindi na lamang po ang nakatanggap na ng 1st and 2nd dose ang ikokonsidera na fully vaccinated kundi dapat ay mayroon ng booster shot,” pahayag ng alkalde.
Nilinaw niya ng kinakailangan talaga ang booster shot para sa karagdagang proteksiyon lalo na’t ang lahat naman ng uri ng bakuna laban sa COVID-19 ay humihina ang pagkakaroon ng bisa matapos ang una hanggang anim na buwan ng una at pangalawang dose.
Aniya, muli niyang gagawin ang pagbisita sa mga barangay vaccination center upang personal na magbakuna ng booster, lalo na sa mga senior citizen.
“Napansin ko po na noong dumalaw ako sa barangay, sampu lamang ang gustong magpa-bakuna pero noong makita nila si Dra. Honey Lacuna na personal na nagbabakuna, lahat sila, gusto ng magpabakuna kaya hayaan niyo po, para mapalakas muli ang ating pagbabakuna, ako po ay dadalaw muli sa atin pong mga barangay para ako mismo ang magbakuna, lalo na sa ating mga seniors,” pagtitiyak ng alkalde.