BFAR Source: DA file photo

PH mag-aangkat ng 25K MT ng pelagic fish species

April 29, 2024 Cory Martinez 64 views

Sa huling quarter ng 2024

INAPRUBAHAN ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ang pag-angkat ng may 25,000 metriko tonelada ng pelagic fish species para sa huling quarter ng taong 2024.

Layunin ng pag-angkat ay upang hindi magkulang sa suplay ng isda sa bansa sa gitna ng pagpapatupad ng tatlong buwang closed fishing season na magsisimula sa Nob. 1 sa mga karagatan ng hilagang silangan ng Palawan at sa Nob. 15 sa Visayan seas at Zamboanga Peninsula.

Ang tatlong lugar ang siyang pangitlugan ng mga maliliit na pelagic fish tulad ng sardinas at mackerel.

Inaasahan namang darating sa bansa ang iaangkat na isda bago Enero 15 ng susunod na taon.

Ayon kay Tiu Laurel, ilalaan ang 80 porsiyento na import volume para sa mga rehistradong importer na kabilang sa commercial fishing sector samantalang ang 20 porsiyento ay ilalaan para sa mga asosasyon at kooperatiba ng mga mangingisda.

Ilalaan naman sa mga commercial importer ang minimum import volume (MIV) na 112 metriko tonelada na may katumbas na apat na container samantalang ang MIV para sa asosasyon at kooperatiba ng mga mangingisda ay 56 metriko tonelada o katumbas ng dalawang container.

Malalaman naman ang karagdagang import volume base sa porsiyento na share ng fish landings sa tatlong taon na nakalipas, bago pa ang pag-angkat.

Dagdag pa ni Tiu Laurel na maaaring mag-apply ang mga importer ng sanitary at phytosanitary permits anumang oras matapos na maging epektibo ang kautusan ng DA sa pag-angkat ng isda. Subalit, maging epektibo lamang ang permit sa pagitan ng Set. 1 at Nob. 30 ng kasakukuyang taon.

Ipinaliwanag naman ni Tiu Laurel na mailalabas lamang sa merkado ang mga frozen pelagic fish species mula Oktubre 1 samantalang ang huling batch na imported na isda ay darating nang hindi lalampas ng Enero 15, 2025.

Kailangang ireport ang mga inangkat na isda na may certificate of necessity sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ani Tiu Laurel.

“Dapat hikayatin ng BFAR ang mga importer na agad na mag-angkat ng isda upang masiguro na hindi ito mag-overlap sa mga mahuhuling isda sa bansa bago magtapos ng closed fishing season,” ani Tiu Laurel sa kanyang kautusan.

Pinaalalahanan naman ng DA ang mga importer na hindi maaaring ipamigay o ilipat ang import allocation.

Ang mga kwalipikado na makasali sa importation ay ang mga importer na walang nakabinbin na kaso hinggil sa food safety, na hindi nakapagsumite ng Bureau of Customs accreditation o clearance.

Hindi rin sila dapat na sumali sa mga importation activities sa huling tatlong taon sa ilalim ng Fisheries Administrative Order 259, at yaong ginamit nang tama ang kanilang alokasyon.

AUTHOR PROFILE