BBM Source: Screen grab mula RTVM video

100 ex-Moro guerillas bahagi na ng PNP

April 29, 2024 Chona Yu 75 views

NASA 100 dating Moro guerillas ang bahagi na ngayon ng Philippine National Police (PNP).

Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nag-welcome sa mga bagong pulis na nakapagtapos sa anim na buwan na field training course.

Pakiusap ni Pangulong Marcos sa mga bagong pulis, tulungan ang pamahalaan sa pagsulat sa bagong kabanata ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

“Tunay na malaking karangalan ang nakamit ninyo, ngunit kaakibat nito ang mabigat na pasanin na responsibilidad na nangangailangan ng matinding pagsisikap. Ang inyong misyon ay higit pa sa paglilingkod at pangangalaga sa mga kababayan natin,” pahayag ni Pangulong Marcos sa graduation ceremony ng Bangsamoro Police Basic Recruit Course (BPBRC) Batch 2023-01 Classes Alpha-Bravo ‘BAKAS-LIPI’ sa Camp Pendatun, Parang, Maguindanao del Norte.

“Kayo ang tutulong sa pagsusulat ng isang bagong yugto para sa Bangsamoro, tungo sa mas tahimik at matiwasay na kinabukasan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Nabatid na ang mga bagong pulis ay mga dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).

“Napakalaki ng nakasalalay sa inyong bagong katungkulan dahil nasa kamay ninyo ang pagkamit ng ating patuloy na tagumpay.

Simula ngayon, kahit saan man kayo italaga, kayo ay kinatawan ng kaayusan at pagbabago na layon nating ipamana sa ating mga anak,” ani Pangulong Marcos.

May ranggong patrolman ang mga bagong pulis.

AUTHOR PROFILE