Lola, 68, binalikan aso sa nasusunog na bahay, dedo

November 1, 2021 Melnie Ragasa-limena 74 views

NASAWI ang isang 68-anyos na lola matapos balikan ang alagang aso sa nasusunog nilang tahanan sa Quezon City, nitong Lunes ng madaling araw.

Ang biktima ay nakilalang si Wilhelmina Martin, 68, may asawa at residente sa B 1 L 5 Tamarine St. Greenfields 1, Subd. Kaligayahan, QC.

Sa report ni PSSg Manel M Calampianong Paso, ng Putik Police Station 16 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-3:55 ng madaling araw (November 1), , nang magsimula ang sunog sa tahanan ng lola sa nasabing barangay.

Ayon sa pahayag ng kasambahay ng biktima na si Merlinda Bedaje, 59, nakalabas na sila sa nasusunog na bahay, subalit bumalik umano ang amo niyang sa Martin upang sagipin ang alagang aso.

Pero dahil sa bilis nang paglaki ng apoy ay hindi na umano nagawa pang makalabas sa nasusunog na bahay ang biktima.

Sinabi nina Fire investigator SF03 Carlito Canapi at SFO1 Derick M Caranto, naapula ang apoy bandang 4:51 ng madaling araw na umabot sa alarma 232.