Default Thumbnail

Lamang ang manok ni Inday Sara

October 28, 2021 Marlon Purification 330 views

Marlon PurificationISINUSULAT ko ito’y posibleng ipatupad ang balasahan sa hanay ng Philippine National Police (PNP) dahil umugong ang ganitong uri ng senaryo nito lamang nagdaang Miyerkules.

Sa Nobyembre 13 na magreretiro ang magaling na PNP chief, Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar at tulad ng mga nagdaang tagpo, madalas pinag-uusapan kung sinu-sino ang susunod na Top Cop ng bansa.

Isa sa maugong na naririnig nating pangalan na maaaring pumalit kay Guillor ay si Police Regional Office (PRO) 3 director Brig. Gen. Val de Leon na personal na manok umano ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Bukod sa may malaking tiwala, bilib ang presidential daughter kay De Leon na una nitong nakilala noong Deputy Director for Operations ng Police Regional Office 11 na ang ranggo pa lamang nito ay Lt. Colonel.

Dating hepe ng Davao City Police Office at Davao Oriental Police Provincial Office, si De Leon ang nanguna sa binuong Special Investigation Task Group nang pasabugin ang night market sa lungsod noong Setyembre 2, 2016 kung saan ay 15 katao ang namatay at 69 iba pa ang nasugatan.

Napahanga nito ang madla dahil naging masusi ang isinagawa nilang imbestigasyon at husay na pangangalap ng ebidensiya na naging dahilan upang hatulan ng guilty ng Taguig Regional Trial Court ang 11 suspect na pawang Muslim terrorist members ng Maute Group.

Kaklase ni De Leon ang mga kapwa contender sa pagka-CPNP sina PNP Deputy Director for Operations Maj. Gen. Rhodel Sermonia at CIDG chief Brig. Gen. Albert Ferro. MIyembro sila ng Philippine Military Academy (PMA) Makatao Class of 1989.

Isa pang umuugong na papalit kay Eleazar si NRCPO chief Brig. Gen. Vicente Danao na miyembro naman PMA Sambisig Class of 1991.

O kaya naman si PNP Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Joselito Vera Cruz na mistah ni Guillor sa PMA Hinirang Class of 1987.

Ang PRO3 na pinamumunuan ni De Leon ang tumanggap ng Best Police Regional Office sa buong Pilipinas dahil sa hindi matawarang accomplishments ng heneral na dati ring aide-de-camp ni ret. CIDG chief at ngayo’y Antipolo City Rep. Romeo Acop.

Ilan naman sa pinakamalaking accomplishments ng grupo ni De Leon ay nang mapatay ang apat na Chinese drug lords sa Zambales kung saan ay nakarekober ang mga awtoridad ng mahigit 500 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3.5 billion.

Matapos ang matagumpay na operasyon noong Setyembre 7, taong kasalukuyan, sa Bgy. Libertador, Candelaria, Zambales, ay nagkaroon pa ng sunud-sunod na pagsalakay sa Bataan, Angeles, Bulacan at ilang kanugnog na lalawigan.

Pinakamalaking ‘accomplishments’ ito sa Duterte administration na may matindi ang anti-drug war policy.

Katuwang ng PRO3 sa operasyong ito ang National Intelligene and Coordinating Agency at Philippine Drug Enforcement Agency na dahilan din upang personal silang papurihan ni Eleazar.

Si De Leon ang kauna-unahang naging heneral sa kanyang batch.

Kahit noong police major pa lamang ito ay nahirang na rin ang grupong pinamumunuan nito na Best Regional Mobile Group of the Year noong 2006 kung saan ay mismong si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo pa ang nagbigay parangal sa kanya.

Taong 2016 ay sumaksi naman si Pangulong Duterte sa paghirang kay De Leon bilang Best Senior Police Commissioned Officer of the Year for Administration. Tumanggap din ito ng Gold Award mula sa Presidential Anti-Corruption Commission dahil sa ginawang online at ‘no contact policy’ sa lahat ng nais mag-apply ng lisensiya ng baril. Sinasabing ito rin ang dahilan upang masawata ang red tape at corruption sa mga transaction sa PNP Firearms and Explosives Office.

Marami pang kahanga-hangang accomplishments si Val. Kaya nga kung ang kampo ni Inday Sara ang tatanungin, bet na bet nito ang heneral bilang maging PNP chief.

Nasa kamay na lang iyan ng Pangulong Duterte kung hihirangin ba si De Leon.

Goodluck sayo, Gen. Val de Leon, Sir!