Default Thumbnail

Kelot patay sa pamamaril sa Payatas

July 6, 2022 Melnie Ragasa-limena 310 views

PINAGBABARIL hanggang sa mamatay ang isang 27-anyos na binata ng hindi pa nakikilalang gunman sa Quezon City, Miyerkules ng madaling araw.

Agad na nasawi ang biktimang nakilalang si Abir Gali Aslafal, 27, binata, walang trabaho, at residente ng San Miguel St., Payatas B, Quezon City.

Sa report ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 3:15 ng madaling araw, Hulyo 6 nang maganap ang insidente sa kalye ng San Miguel Extension St., Bgy. Payatas A, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Claire Benavidez ng PS 13, nakarinig umano ang mga kapitbahay ng biktima nang magkakasunod na putok na baril sa labas ng kanilang tahanan.

Nang kanilang usisain ay nakita na lamang nila na nakabulagta ang biktima at umaagos ang dugo sa ulo nito.

Nakita pa umano ang suspek habang papatakas dala ang armas na ginamit sa pamamaslang sa biktima.

Nakasamsam naman ang mga nagrespodeng pulis na sina Pat. Kim Arnold Nogoy, P/Cpl. Ajay Paras, Pat. Raymond Sarlatan, at Pat. Elmer Nogoy ng dalawang basyo ng hindi pa batid na kalibre ng baril at anim na basyo ng bala sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaril upang matukoy ang nakatakas na salarin.