Default Thumbnail

Kelot na ‘BNG’ member timbog sa baril

November 6, 2022 Jonjon Reyes 187 views

ISANG 18-anyos na lalaki na miyembro ng “Bahala Na Gang” (BNG) ang nasakote ng mga pulis-Maynila matapos masita dahil sa kahina-hinalang kilos at mahulihan ng baril sa panulukan ng Claro M. Recto Avenue sa Barangay 391 Quiapo, Maynila, madaling araw ng Sabado.

Ang suspek na may alyas na “Bunso” ay residente ng LRC Compound, Sta. Cruz, Maynila.

Base sa ulat ni Police Capt. Fredwin Sernio, commander ng Palanca PCP Manila Police District Station 14 kasama sina Pat. Victor Victor at Pat. Drazen Apostol, pasado alas-2:00 ng madaling araw, nang mamataan ang suspek sa madilim na lugar sa bahagi ng C.M. Recto sa Sta. Cruz.

Kasalukuyan umanong nagsasagawa ng Simultaneos Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ang mga kapulisan sa bisinidad na nasasakupan ng Barbosa Police Station sa ilalim ni P/Lt. Col. Ramon Nazario, kasama ang ilang concerned citizen na nagturo sa suspek na nakatayo sa madilim na lugar at may dalang baril.

Sinita ang suspek at inusisa kung ano pa ang ginagawa nito sa lugar sa Coromina St. at matapos kapkapan, ay nakumpiska ang isang “pen gun” na may anim na pulgada ang haba, may improvised na gold barrel at kargado ng isang bala ng 9mm.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act) ang suspek.

Ayon sa report ng pulisya, minsan na umanong may naganap na holdapan sa nasabing lugar kaya iimbestigahan ang nahuling suspek kung may kinalaman ito sa mga insidente.

Pinuri at pinasalamatan naman ni MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon ang mga kapulisan ng Palanca PCP at Barbosa Police Station 14 sa naging aksyon.

AUTHOR PROFILE