Default Thumbnail

Dating pulis tiklo sa MPD sa ‘frustrated homicide’

November 6, 2022 Jonjon Reyes 270 views

HINDI na nagawang makaalpas ang isang dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos itong silbihan ng kanyang warrant of arrest dahil sa nakabinbing kasong “frustrated homicide” sa Quezon Boulevard sa Quiapo, Maynila, gabi nitong Biyernes.

Pinangunahan ni Police Maj. Edward Samonte, hepe ng DID (District Intelligence Division)-SMaRT (Special Mayor’s Reaction Team) at ng kanyang mga tauhan na sina P/Maj. Dave Emmark Dave Apostol, katuwang ang ilang tauhan ng Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP) Manila Police District (MPD) Stn. 3, sa pamumuno ni P/Capt. Rowell Robles nang isilbi ang arrest warrant sa suspek na dating pulis at residente ng Carcer St., Quiapo.

Batay sa ulat ng mga kapulisan ng MPD-DID at ng SMaRT, pasado alas 6:15 ng gabi, nang mamataan at arestuhin ang suspek sa nasabing lugar.

Ang warrant of arrest ay inisyu ni Presiding Judge Albert J. Tenorio Jr. ng Regional Trial Court Branch 14 ng Maynila sa kasong frustrated homicide dahil sa tangkang pagpatay ng dating pulis sa kanyang kapitbahay noong Disyembre 31 , 2011.

Sa rekord ng korte, napag-alaman na pauwi na noon ang suspek at nadatnan nito ang maingay umano na nag-iinuman malapit sa kanyang tahanan.

Sinuway at pilit umano nitong pinauuwi ang mga maiingay na nag-iinuman dahil sila ay nakakabulahaw na sa iba pang mga kapitbahay nito, hanggang sa magkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dating pulis at ng biktima.

Nagkaroon ng suntukan, bago nakakuha ng patalim ang suspek at mabilis na inundayan ng saksak sa ulo ang complainant, saka umano nagtago matapos ang insidente.

Ang pagkakaaresto sa suspek na dating alagad ng batas ay bahagi ng PNP Revitalized Internal Cleansing Program kung saan kabilang ito sa programa ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr.

Habang patuloy naman na pinalalakas at pinaiiral ang Simultaneos Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ni MPD Director Andre P. Dizon kasama ang programa ni NCRPO (National Capital Region Police Office) Chief Jonnel Estomo ang “Seen, Appreciated and Felt by the people through Extraordinary actions” o SAFE.

AUTHOR PROFILE