Default Thumbnail

Karapatan ng mga Kano at Kana

May 8, 2023 Allan L. Encarnacion 299 views

Allan EncarnacionIBA rin ang karanasan kapag nasa Amerika ka.

Sobrang dami at mura ang pagkain, konbinyente magnaheho, maraming atraksiyon at magandang gumala lalo na kapag spring o kaya ay magsisimula pa lang ang winter.

Marami rin namang mababait na tao sa US kahit may mga isolated cases ng hate crimes.

Pero ang downside lang talaga ay ang mga mass shooting. Kailan lang, magkakasunod na mass shooting sa Dallas, Texas na naman. Parang 3rd or 4th case na ito sa Texas na recently lang nangyari.

Hindi na mabilang sa ating mga daliri ang mga kaso ng pamamaril nang walang habas sa bayan ni Uncle Sam. Mga sensless killing.

Iyong anak kong panganay na si Bryan, ayaw na munang pumunta sa Amerika dahil sa klima ng pamamaslang na ganito. Hindi natin alam kung bakit maraming mga mamamayan sa Estados Unidos ang mas pinapahalagahan pa ang pagdadala ng armas kaysa ang kumain ng kanin.

“A well regulated Militia, being necessary to the security of a free State, the right of the people to keep and bear Arms, shall not be infringed.”

Ito iyong kanilang 2nd Amendment na nagbibigay sa lahat ng karapatang magdala ng armas.

Totoo rin naman, mas mahirap pang bumili sa Amerika ng beer kaysa sa bumili ng armas. Nang minsan akong pumasok sa isang diner at umorder ng beer, hinanapan pa ako ng ID. Akala ata elementary student ako dahil malinggit kumpara sa kanilang malalaki. Nang ipakita ko ang aking driver’s license, napangiti lang iyong service crew.

Ang pagbili ng baril sa Amerika ay para ka lang bumibili ng paracetamol or puwede mong isabay sa grocery mo. Mas mabuti pa rito sa atin, katakot-takot na dokumento ang kailangan mo bago ka makapag-ari ng armas. Ang pinakahulii, kailangan na ng pagsusuri sa utak bago ka magkaroon ng karapatang makapagbitbit ng armas sa labas ng iyong tahanan.

Bagama’t mayroon pa ring mga kriminal dito na hindi na kailangang magkaroon ng lisensiya para makapagdala ng baril!

Pero halos wala namang insidente ng mass shooting dito sa atin maliban sa kaso ng Degamo killings na parang namamaril lang ng ibon ang mga suspect.

Ang problema sa Amerika, kapag naungkat na ang usapin sa regulasyon ng armas, mas marami ang tao ang tumutol kaysa sa sumusuporta.

May mga pagkilos ang mga pribadong sektor sa US na mabasura ang 2nd Amendment subalit inaatake ng mga pro-guns kaya hindi nakakausad ang ganitong panukala.

Hindi ko rin masisi ang aking anak kung natatakot ngayon pumunta ni President Biden dahil nga hindi mo alam kung saan at kung kailan mapapraning ang isang armadong Amerikano.

Isipin mong mabuti, nagkakape ka lang sa isang mall or sa isang public place tapos bigla na lang may maglalabas ng uzi or armalite na parang Rambo na mamaril.

Dapat ay magtulong ang Senado at Kongreso ng Amerika para magkaroon ng bagong regulasyon sa pagdadala ng armas. Ang problema lang, maraming senador at kongresista sa Amerika ang tutol sa gun control kaya nahihirapang mabago ang kanilang batas.

Umaasa pa rin tayong darating din ang panahong magigising ang Amerika laban sa pagdadala ng armas.

[email protected]