Jinggoy: Hindi sapat ang economic relief allowance ng gov’t workers

September 12, 2022 Marlon Purification 112 views

Marlon PurificationIGINIIT ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na doblehin ang halaga ng subsidiya ng mga manggagawa sa gobyerno upang mapunan ng kanilang buwanang pinagkakakitaan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na pinalala pa ng sumisirit na presyo ng langis.

“Sa pagtaas ng inflation rate o ang pagtaas ng presyo ng ilang pangkaraniwang serbisyo’t produktong binibili ng mga konsyumer, hindi na makabuluhan ang halaga ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA) na natatanggap ng mga manggagawa sa gobyerno,” ani Estrada, chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development.

“Napapanahon na rin na itaas ito sa P4,000 kada buwan para mapunan ang ilang gastusin ng mga manggagawa sa gobyerno na kadalasang tumutugon sa mga pampublikong tungkulin lalo na sa panahon na may krisis at kalamidad,” dagdag pa niya.

Sa kanyang Senate Bill 1027, iminungkahi ni Estrada ang pagbibigay ng karagdagang P2,000 sa buwanang PERA ng mga empleyado ng gobyerno at tawagin na itong Augmented Personnel Economic Relief Allowance (APERA).

Sakop sa panukalang P4,000 na buwanang APERA ang mga sundalo at uniformer personnel, gayundin ang mga civilian government employees na regular, contractual, maging ang mga may casual positions, appointive or elective man.

Ang mga nakadestino sa ibang bansa na tumatanggap na ng overseas allowances ay hindi na sakop ng panukalang ito, sabi ng senador.

Noong 1990 unang ipinagkaloob ito sa lahat ng empleyado ng gobyerno na layong punan ang epekto ng pagtaas ng bilihin dulot ng Gulf War. Ang noon ay buwanang P500 na PERA ay itinaas sa P2,000 noong 2009 upang madagdagan ang kita ng mga manggagawa dahil sa pagtaas ng halaga pamumuhay.

“Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at gasolina, ang P2,000 Personnel Economic Relief Allowance (PERA), ay tiyak na hindi sapat upang tulungan silang makayanan ang mga problemang pinansyal,” sabi ni Estrada.