Default Thumbnail

Isang libong pisong ayuda?

August 10, 2021 Joey C. Papa 433 views

KalikasanIsang libong pisong ayuda ang ibibigay umano ng pamahalaan sa Miyerkules sa mga mahihirap na Pilipino ngayong ECQ.

Apat na libong piso raw sa buong pamilya.

Hindi pa tapos ang kontrobersya sa palpak na ayuda noong unang ayuda sa SAP o Social Amelioration Program 2020 na pinangunahan ng DSWD. Marami umano ang hindi nakatatanggap ng SAP 2020.

Saan napunta ang pera ng SAP 2020?

Super spreader lagi ang pamimigay ng ayuda. Mahabang pila ng mga nagsisiksikang mga taong gustong makakuha ng ayuda kahit makakuha pa sila ng Covid 19.

Kapit sa patalim ang mga kababayan nating mahihirap na hindi makapaghanapbuhay dahil sa lockdown.

Dalawang linggo na naman ngayon ang lockdown at may mga balita na baka palawigin pa ito.

Paanong hindi dadami ang kaso ng covid 19 sa mahahaba at siksikang pila. Ilang ulit na itong nangyari?

Kaya ang NCR ay hindi na naalis sa number 1 sa dami ng covid cases. Sa mga lunsod nito nagaganap ang mga siksikang pagpila.

Bukod pa diyan ang mga bar na nagbubukas para sa maraming customer. Inuman at sayawan, dadami ang kaso ng covid! Bawal ang mass gathering at di pagsusuot ng face mask.

Hindi naman din mapipigilan ang mga manggagawa na sumakay sa mga pampublikong sasakyan upang pumasok sa kanilang mga trabaho. Kailangan nilang maghanapbuhay.

Marami na akong natanggap na obserbasyon na higit na ligtas umano ang mga pampasaherong dyip kaysa mga air conditioned –bus.
Tagus-tagusan daw ang hangin sa dyip kaysa bus na sarado.

Ngayong ECQ, hindi kasya ang isang libong piso sa isang pamilya sa loob ng dalawang linggo o kahit na apat na libong piso pa ay hindi sapat sa limang miyembro ng isang pamilya.

Nagkamali ng kuwenta ang pamahalaan bago inilunsad ang ECQ. Kung mabuti sanang napaghandan ito, maaaring higit pa sa isa o apat na libo ang maibibigay na ayuda sa mahihirap.

Noong 2020, 8 libong piso ang first trance at 8 libong piso ulit sa 2nd tranche. Umabot ng 16 na libo ang lahat na ayuda. Nakatanggap ba ang dapat makatanggap. Yun bang nakatanggap ay tiyak na kuwalipikadong makatanggap?

Harinawang sa loob ng dalawang linggong ECQ ay mapahupa na ang Covid 19 upang hindi na lalong maghirap pa ang mga kababayan nating arawan lamang ang sahod.

Sabi ng NEDA ay 3 bilyong piso ang mawawala sa ekonomya natin sa dalawang linggong lockdown. Mababa man o mataas pa sa tatlong bilyon, bilyong piso pa rin ang pinag-uusapang mawawala sa kabuhayan ng mga Pilipino.

Sana’y paghusayin pang higit ng pamahalaan ang pandemic response upang hindi na muling magla-lockdown na pahirap sa buhay ng milyong Pilipino.

AUTHOR PROFILE