Default Thumbnail

Impounding area ng MMDA, puno na, overnight parking ipapatupad sa Maynila

March 22, 2023 Edd Reyes 186 views

Edd ReyesITINIGIL muna ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paghatak sa mga sasakyang ilegal na nakaparada sa mga pangunahing lansangan bunga ng kawalan ng paglalagyan dahil puno na ang kanilang mga impounding area.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, hindi na raw kasi tinutubos ng mga may-ari ang mga nahahatak na sasakyan, lalo na yung mga stalled vehicles, kaya napuno na ang kanilang Tumana impounding area sa Marikina at sa Doña Julia Vargas Ave, Pasig City.

Pero tiniyak niya na hindi pa rin ligtas ang mga may-ari ng sasakyan na ilegal na nakaparada dahil i-isyuhan sila ng tiket na kailangan nilang bayaran ang kaukulang multa.

Dito nga sa Lungsod ng Maynila, una ng sinita nina 3rd District at 2nd District Congressmen Joel Chua at Rolan Valeriano ang walang koordinasyon na paghatak ng mga sasakyan ng MMDA sa secondary roads na hindi kabilang sa Mabuhay Lanes kaya’t hindi na muna sila nagsagawa ng clearing operation.

Pero hindi ito dapat ikatuwa ng mga may-ari ng sasakyan na ginagamit na paradahan ang mga primary at secondary roads dahil may hakbang ngayong isinagawa ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa pamumuno ni Officer-in-Charge Zenaida Viaje.

Naglabas kasi ng memorandum ang MTPB na ipinamahagi sa 897 na barangay upang ipabatid sa mga may-ari ng sasakyang nakaparada sa mga primary at secondary roads na ipapatupad na nila ang umiiral na ordinansa na nagpapahintulot ng paniningil ng overnight parking permit.

May kategorya ang paniningil ng MTPB batay sa laki ng sasakyang ipinaparada sa mga lansangan, bukod pa sa kailangan nilang magbayad sa application form kaya doon sa mga natuwa na hindi na magsasagawa ng towing ang MMDA, wala rin kayong lusot sa lokal na pamahalaan.

Multi-purpose covered court, malaking pakinabang sa mga guro at estudyante

MALAKING pakinabang sa mga estudyante at mga guro ang pagkakaroon ng covered court sa kanilang paaralan dahil dito nila naidaraos ang iba’t-ibang uri ng palakasan tulad ng basketball, volleyball, badminton, pati na ang pagsasagawa ng iba pang aktibidad

Kaya nga mapalad ang mga estudyante at mga guro sa Navotas City dahil kabilang sa mga proyekto ni Mayor John Rey Tiangco ang pagtatayo ng mga covered court sa iba’t-ibang pampublikong paaralan upang mapakinabangan ng mga estudyante.

Nito nga lang nakaraang linggo, sunod-sunod ang isinagawang inagurasyon sa mga ipinatayong multi-purpose covered court sa apat na pampublikong paaralan ng San Roque Elementary School, Bangkulasi Elementary School, Dagat-dagatan Elementary School, at Tangos National High School na pinangunahan mismo ni Mayor Tiangco.

Sabi ng alkalde, layunin ng pagtatayo ng naturang pasilidad na mahimok ang mga estudyante na lumahok sa iba’t-ibang uri ng palakasan, page-ehersisyon at pagtataguyod ng aktibo at malusog na uri ng pamumuhay.

Naniniwala si Mayor Tiangco na hindi lamang pag-aaral ang dapat gawin ng mga estudyante sa loob ng paaralan kaya’t gumagawa sila ng kaukulang mga hakbang pagdating sa edukasyon ng mga mag-aaral.

Napondohan ang pagtatayo ng mga multi-purpost covered court sa mga pampublikong paaralan sa Navotas noong kinatawan pa si Mayor Tiangco sa Mababang Kapulungan ng Kongreso..

Noon lamang nakaraang taon, sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang pagtatayo ng apat na palapag na mga gusali sa siyam na pampublikong paaralan sa lungsod.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE