Default Thumbnail

Dementia ni Bruce Willis

March 22, 2023 Allan L. Encarnacion 383 views

Allan EncarnacionDIE hard talaga si Bruce Willis.

Malakas na malakas pa ang katawan, walang anumang pisikal na karamdam subalit apektado na siya ng dementia. Isang karamdaman na ang manipestasyon ay sa isip. Unti-unting pagkawala ng memorya, pagkasira ng repleksiyon, kahinaang makakonekta sa pinag-uusapan, kawalan na ng sosyal na relasyon na magsisimula sa pamilya hanggang sa labas ng tahanan.

Ayon sa World Health Organization, aabot sa 55 milyon ang may sakit na dementia sa buong mundo at nakapagtatala pa ng 10 milyong kaso kada taon.

Walang kinikilalang gender ang dementia, nangyayari ito sa babae man o lalaki. At lalong hindi ang estado sa buhay ang magiging dahilan para ikaw ay tamaan nito dahil nangyayari ang dementia sa mahirap man o mayaman.

Si Bruce Willis ay 68 years old pa lamang, masyado itong bata para tamaan ng dementia, lalo na kung ihahanay mo kila dating Senador Juan Ponce Enrile na 99 years old at former Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad na 98 years old na pareho pang sharp.

Wala pang malinaw na pag-aaral kung paano ito nangyayari sa isang tao at lalong wala pang nadidiskubreng gamot dito. Kapag nagsimula nang madanyos ang pag-iisip ng tinamaan ng dementia, wala itong estado ng pabuti bagkus ay palubha habang lumilipas ang panahon.

May mga naunang pag-aaral dito sa atin na sinasabing 1 sa bawat limang Pinoy ay may diperensiya sa pag-iisip. Hindi ito iyong sinasabing “baliw”, maaring ito ay depresyon, anxiety at iba pang sakit sa isip na ikakategorya bilang mental health problem.

Ang Alzheimer ay iba pa kaysa sa dementia. Mas lower degree ito na siyang pinagmumulan ng dementia. Ang problema sa dementia, mawawala na siya ng kakayahang kumilala kaya nga importante ang pagkalinga at pang-unawa ng buong pamilya.

Kaya nga lalo tayong humanga sa aktres na si Demi Moore sa patuloy niyang pagmamahal sa dati niyang mister na si Bruce kahit may kanya-kanya na silang pamilya. Katunayan, kasama si Demi sa bday celebration ni Bruce with the family.

Walang ligtas sa ganitong karamdaman kaya importante ang kahandaan. Nilalamon ng sakit na dementia ang iyong kaisipan hanggang hindi mo na rin kayang makilala ang iyo mismong asawa, anak, buong pamilya at ang mga malalapit na kaibigan.

May kilala akong ganito na malapit sa akin. Hindi ko na babanggitin ang pangalan dahil kilala ito at bilang respeto sa sa kanya at sa pamilya.

Naisip ko lang kung gaano kahirap para sa pamilya ang tamaan ng ganitong sakit ang isang mahal nila sa buhay. Hindi na ako nakikilala ng kaibigan kong ito na masyado na ring napahamal sa akin.

Pero sobrang lakas pa rin ng katawan, malakas kumain at masayahin pa rin. Kapag nagpunta ako sa kanya, bago pa lang ako lumapit, sisigaw na ako “Boss, kumusta na po kayo, si Allan Encarnacion po ito,” sabi ko sa kanya habang pinipisil-pisil ko kamay niya at nakatitig sa akin.

Doon makikilala niya ako at kukumustahin bigla. “Hindi ka na nagpupunta rito, a” sabi niya kahit sabay pa kaming nagtanghalian noong isang araw.

Hindi ko alam kung aabot ako sa edad na magkakaroon ng dementia. Sa edad kong 55 years old, ang akala ko hindi pa ito kasama sa karaniwang nagiging sakit. Pero ayon sa mga pag-aaral, ang dementia ay tumatama rin sa pinakabatang edad na 30, 40 hanggang 50.

May mga ginagawang pag-aaral para tumuklas ng gamot sa Alzheimer subalit hindi pa rin nagkakaroon ng kongkretong resulta. May reversed aging medicine ang inaaral ngayon at nakitaan ng positibong resulta. Parang pambata ito pero Alzheimer talaga ang gustong lutasin sa pag-aaral.

Sinubukan nila ang gamot sa mga matatandang daga na nakakalbo. Nakita nila ang resulta na tinubuan ng buhok ang matandang daga at parang sumigla kumpara sa dati niyang kondisyon dahil nagkaroon pa ng laman o muscle ang kanyang katawan.

Kung magkakaroon ng progreso ang gamot na ito, umaasa tayong si Bruce Willis ang unang makinabang para mapanood ulit natin siya sa Die Hard 5. Kidding aside, naniniwala tayong magtatagumpay ang mga pag-aaral at pagtuklas ng gamot sa dementia.

Pero sana lang ay maging abot kaya rin ang halaga dahil baka makalimutan na rin nating dumukot ng pera sa ating mga bulsa kung hindi maabot ang presyo ng gamot laban sa dementia.

[email protected]