‘I only need to please one, and that is the President’

July 27, 2022 Vic Reyes 89 views

Vic ReyesTINATAWAG ng marami na “marching orders” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang mga utos nya kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz para mabago ang imahe ng Bureau of Customs (BOC).

Pero may mga sektor sa aduana ang nagsasabing ang mga order ay “Five Commandments” ni Pangulong Marcos na dapat sundin ng mga namumuno sa tinawag na “snake-infested” waterfront.

Ang “Limang Utos,” na maliwanag pa sa sikat ng araw, ay “no illegal drugs, no guns, no agricultural smuggling, increase revenue collection, and go full automation and digitalization.

Sa tingin ng marami nating kababayan, kasama na ang inyong lingkod, ay kayang ipatupad ni Commissioner Ruiz ang “Limang Utos” dahil alam na niya ang “ins and outs” sa aduana.

Bilang insider ay kabisado na ni Commissioner Ruiz ang mga kakayahan ng mga taga-BOC, na kung saan siya nagsilbi bilang direktor ng Enforcement and Security Service (ESS).

Noong siya ang hepe ng BOC-ESS, na siyang pulis sa aduana, at regional director ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Central Visayas (CV) ay marami siyang “major accomplishments.”

Batid ito ng Malakanyang kaya siya ang inilagay na mamuno sa “graft-prone agency” na nasa ilalim ng Department of Finance (DOF) ni Secretary Benjamin Diokno.

Hindi basta-basta ang mga problema sa aduana, kasama na ang korapsyon, na kakaharapin ni Commissioner Ruiz at ng kanyang mga “trusted lieutenant.”

Sinabi niyang hindi siya mangingiming parusahan ang mga “erring” na opisyal at empleyado ng ahensiya na mapapatunayang may mga ginagawang kabalbalan.

Tama naman ito dahil aminado ang marami na may mga “hard-headed” pang lingkod-bayan ang nakikipag-sayaw sa mga ismagler at iba pang “economic saboteurs” sa aduana.

Sabi ni Commissioner Ruiz: “I am not here to please anyone. Kung may masaktan pasensiya (na), I’m sorry. I only need to please one and that is the President” of the Philippines.

Sinabi pa ng dating Region 7 direktor ng PDEA, ang law enforcement arm ng DDB, na sisipain niya ang mga kolektor na mabibigong maabot ang kani-kanilang mga monthly target.

Kailangang gawin ito ni Sir Yogi Filemon dahil gusto niyang matulungan si Pangulong Marcos para makamit ang kanyang mga pangarap para sa bayan at mamamayang Pilipino.

Sana tumulong na rin ang taumbayan para masunod ang “Limang Utos” ni Pangulong Marcos.

Laging bukas ang opisina ni Commissioner Ruiz para tumanggap ng mga impormasyon na magagamit ng ahensiya para ma-address ang mga problema sa aduana.

Good luck po, Sir Yogi!

***

Marami ang natuwa sa sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang unang State-of-the-Nation Address (SONA) na hindi na magpapatupad ng lockdown sa bansa.

Pinalakpakan siya ng mga taong nasa loob ng Batasang Pambansa building sa Quezon City.

Pero mas natuwa ang mga ordinaryong kababayan natin na nanonood ng telebisyon at nakikinig sa radyo sa kani-kanilang bahay.

Paanong hindi sila matutuwa eh sila ang sobrang apektado kung nagkakaroon kasi ng lockdown hindi sila makalalabas ng bahay para maghanapbuhay.

Walang problema sa mga mayayaman dahil kakain sila kahit na hindi sila magbanat ng buto kagaya ng mga mahihirap hindi lang sa kanayunan kundi sa buong bansa.

Hindi ba, DSWD Secretary Erwin Tulfo?

***

Malayo pa ang May 2025 national and local elections. Kung matutuloy man ang barangay at SK elections ay bawal namang makialam dito ang mga politiko.

Kalimutan muna natin ang politika at magtulungan na lang tayo para harapin ang mga problemang matagal ng nagpapahirap sa sambayanang Pilipino.

Ito ang kahirapan, kawalan ng trabaho, kakulangan ng pabahay, walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kriminalidad at katiwalian at korapsyon sa gobyerno.

Walang mangyayari sa atin kung politika ang ating agahan, tanghalian at hapunan.

Huwag na tayong magpagamit sa mga taong malaki ang pakinabang sa pamumulitika. Huwag tayong sunod-sunuran sa kanila.

May panahon ang politika.

Iwasan na rin nating magpabuyo sa mga kababayan nating ginagawang negosyo ang politika.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE