Default Thumbnail

Ang papel ng isang public information officer

July 27, 2022 Edd Reyes 6152 views

Edd ReyesBAHAGI na ng tungkulin ng isang public information officer ang pagpapanatii ng magandang pakikitungo sa mga miyembro ng media bukod pa ang paggawa ng mga press releases at direktang pakikipag-ugnayan sa mga mamamahayag para tumugon sa mga katanungan.

Hindi maaaring walang public information officer o public relation officer ang bawa’t ahensiya ng pamahalaan lalu na sa mga local government units (LGUs) dahil kailangan ng mga namumuno na may magtaguyod ng kanilang magandang imahe sa publiko at magbahagi ng mahalagang impormasyon sa publiko sa pamamagitan ng media sa oras na may malalaking aktibidad, programa at proyekto.

Ang mga alkalde o gobernador na may magagaling at mahuhusay na public information officer ay lalung napapamahal sa mamamayang kanilang nasasakupan dahil palaging nababasa, naririnig at napapanood sa balita ang kanilang mga positibong programa at proyekto sa kanilang lungsod, munisipalidad o lalawigan.

SUPERSPREADER EVENTS BANTA SA COVID-19

Problema pa rin ang ilang superspreader events tulad ng kinalolokohang illegal numbers game na pinagkukumpulan ng mga tao dahilan ng pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.

Kaya inaalam na ngayon ng mga tauhan ng Police Region Office IV-A ang tunay na katauhan ng mga pasimuno ng numbers game para tugisin at matigil na ang ilegal na gawain.

Gumagamit ng alyas ang mga may pakana ng mga illegal numbers game sa Brgy. Kanluran Old Zeus gas, Brgy. Marulas sa Tirona Highway na parehong nasa Kawit, Cavite, Brgy. Uno Sampaguita sa Calamba, sa national highway ng Brgy. Banlic at Katapatan Village na parehong nasa Cabuyao.

Sa pagtaya nga ng Department of Health (DOH), posible raw umabot hanggang 20,000 kada araw ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa kapag patuloy na magiging pabaya ang publiko.

Kailangan talaga ang tulong ng mga law enforcers para masugpo ng tuluyan ang mga pasaway.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE