Default Thumbnail

Huwag pahirapan ang taumbayan sa proseso ng passport application

November 25, 2021 Marlon Purification 388 views

Marlon PurificationSIGURADO ako na maraming makaka-relate rito dahil natitiyak ko ring sandakmak na ngayon ang sumbong at reklamo hinggil sa tagal ng release ng kanilang passport application – bago man ito o renewal.

Halos ilang linggo na rin tayong nasa Alert Level 2 na ibig sabihin, medyo maluwag na ang health protocol sa bansa, hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa iba pang probinsiya.

Kaya hindi natin malaman kung ano pa ba talaga ang tunay na dahilan kung bakit sobrang tagal ng releasing ng mga passport.

Noong kahigpitan ng ‘lockdown,’ medyo naiintindihan natin bagaman trabaho, tungkulin at obligasyon ng bawat sangay ng pamahalaan na pagsilbihan ang taumbayan. Pero ngayong medyo nagluluwag na alang-alang sa pagbangon ng ekonomya, bakit ba napakailap mo passport?

Anong petsa na ngayon? Halos last week na ng buwan ng Nobyembre at sa susunod na linggo ay Disyembre na. Ibig sabihin, palapit na ng palapit ang Pasko.

At siyempre, sa tuwing sasapit ang Pasko, asahan ang pagdagsa ng ating mga kababayan mula sa labas ng bansa.

Karamihan sa mga ito ay ‘for renewal’ ng passport na isasabay ang bakasyon sa ‘Pinas mula sa ‘stressful’ na ‘pandemic experience’ sa loob at labas ng Pilipinas.

Kaya asahan natin, bukod sa mga kababayan nating nandito sa Pilipinas ay madaragdagan pa ang mga aplikante ng passport mula naman sa mga balikbayan nating kababayan.

May isa akong ie-example sa inyo na hanggang ngayon ay problemado sa renewal ng passport.

Ito ay ang seaman na si John Ecube Chiong na nag-apply ng passport noon pang September 10.

Mula sa inuuwiang bahay sa Bgy. Bagumbong, North Caloocan, bumiyahe silang mag-asawa patungo sa DFA Lucena City dahil doon daw may ‘slot’ sa aplikasyon nila online.

Binayaran nila ang lahat ng dapat bayaran at sinabihang ide-deliver daw ang passport sa kanilang bahay sa loob ng tatlong linggo.

Paaalis na sana uli ng bansa si Chiong noong October 5, ngunit dahil hindi dumating ang kanyang passport, hindi ito nakakasakay ng barko hanggang ngayon.

Halos araw-araw ang ginagawang pagpa-follow up sa DFA ng asawa ni Chiong na si Mae, ngunit ang isinasagot umano sa email ay mag-antay lang sa delivery.

Tinatawagan din ng mag-asawa ang hotline number 02-567-1111, pati ang mga mobile number na 0956-5126124 (Globe), 0998-9948223 (Smart) at 0925-6559111, ngunit wala umanong sumasagot.

Sigurado ako, ang kuwento ng mag-asawang Chiong ay isa lamang sa masalimuot na experience ng marami nating kababayan.

Kaya sana naman, DFA Sec. Teddy Boy Locsin, magawan na po ninyo ng paraan ito dahil hindi na dapat pahirapan ang ating mga kababayan sa pagproseso ng passport na malaking bagay para sa lahat.

Noong taong 2019 ay nakapag-proseso ang DFA ng apat na milyong pasaporte, ngunit simula noong nagdaang taon, hanggang August 2021, ay umaabot pa lamang sa 1.7 million passport ang nagagawa ng DFA.

Naniniwala tayong mapapabuti pa ito nang husto ng DFA.