Default Thumbnail

“Tigil-welga” dahil kay SBG

November 25, 2021 Paul M. Gutierrez 389 views

PaulKAHAPON, “pansamantala” na itinigil ng Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) ang sinimulan nilang ‘indefinite rest day’ (read: welga/strike) noong Lunes na halos “pumilay” sa operasyon ng South Harbor at North Harbor (Port of Manila/Manila International Container Port) dahil higit 90 porsiyento ng mga ‘cargo trucks’ ay tumigil sa pagbiyahe.

Napilitan na ang CTAP na magprotesta dahil patuloy na “bingi” ang mga ahensiya ng gobyerno, partikular na sina DOTr Secretary Art Tugade at ang port regulator na Phil. Ports Authority (PPA) sa ilalim ni GM Jay Santiago, na aksyunan ang kanilang mga hinaing, partikular na ang anila’y gawain ng ICTSI (International Container Terminal Services, Inc.), ang private arrastre operator sa MICP.

Nalaman din natin na nalungkot ang CTAP kay Sec. Tugade sa sinabi pa umano ng kalihim na “huwag pansinin” ang mga reklamo ng CTAP dahil “maliit” na grupo lang umano ang mga ito, aguy!

Si Tugade ay dati ring may-ari ng mga cargo trucks at isa sa mga dating “haligi” ng logistics industry.

At sa kanyang tinuran, sadyang “napakasakit Kuya Eddie” ang dating sa CTAP dahil hindi nila inaasahan na ang opisyal ng pamahalaan na dati nilang kasamahan ay tatalikuran sila.

Kung sa bagay nga, sino nga ba ang CTAP kundi grupo ng mga “small time” kahit pa nga 10,000 cargo trucks ang kasapi nito, bukod sa higit 1,200 cargo truck owners.

Bagaman hinamak lang ni Tugade ang CTAP at mga lehitimong isyu nito, nalaman natin na napilitan na ring humarap sa grupo sina Santiago at kinatawan ng ICTSI dahil na rin sa pagpasok sa eksena ni Sen. Bong Go!

Ayon pa sa CTAP si SBG ang “nangulit” sa DOTr, PPA, ARTA, DTI, CEZA at ICTSI na makipagdayalogo sa CTAP kahit pa nga “small time” ang tingin ng mga ito sa ating mga pobreng truckers.

Hmm. Yan naman ang gusto ng mga miron at publiko kay Sen. Bong Go, kasamang Leo Lumaban Palo.

Kitang-kita kasi at talagang nararamdaman ang kanyang malasakit, hindi ba?

Pansinin mga kabayan na noong nakaraang Biyernes, Nobyembre 19, 2021, sa ginawang press conference ng CTAP upang ianunsiyo ang simula ng kanilang welga noong Lunes, nakita pa natin sa press conference ang mga “sugo” ni Sen. Ping Lacson at Sen. Grace Poe.

‘Yun nga lang, nagsimula ang welga, lumipas ang mga oras at araw, wala ring nangyari, hehe!

Ano man ang maging resulta sa naging pag-usap ng CTAP at ng mga kinatawan ng mga ahensiya ng gobyerno— kung tuloy ang welga o hindi na— aba’y tuloy naman ang pasasalamat ng CTAP kay SBG!

***

“Bastos” ang International Criminal Court.

Ito ang tangi nating masasabi, mga kabayan, matapos sabihin ng ICC na “kailangan” na “maglabas ng pruweba” ang pamahalaan hinggil sa ginagawang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) sa mga umano’y nabiktima ng ‘Drug War’ ng pamahalaan sa kaarawan ng termino ni Pang. Duterte.

Bago ito, nabasa natin na sinabi na ng ICC na ititigil na muna nito ang sarili nitong imbestigasyon dahil nga sinabi na ni DOJ Secretary Menardo Guevara at ng Palasyo na may sarili nang imbestigasyon ang Pilipinas.

‘Yun pala naman, mayroong ‘colatilla’ o “kondisyon” ang tinuran ng ICC at ito ay ang maglabas ng “ebidensiya” ang gobyerno sa imbestigasyon nito.

Eh, gobyerno na ng Pilipinas ang nagsasalita, ayaw pa ninyong paniwalaan? Mukha bang sinungaling si Sec. Guevara ng DOJ para ‘mag-demand’ kayo ng ganyan sa mga Pilipino?

Bakit si Tony Blair ng Britanya at George Bush ng US, hindi naman ninyo inusig ng ganyan at hiningan ng “ebidensiya” nang sabihin nilang kriminal sina Saddam Hussein at Moammar Khadafy at kailangang pabagsakin at wasakin ang kanilang mga bansa?

Nasaan ang ebidensiya ng ‘weapons of mass destruction’ (WMD) ni Saddam? Nasaan ang ebidensiya na ‘financier’ ng mga teroristang grupo si Khadafy?

Ang problema dito sa ICC, mga bansang katulad lang ng ‘Pinas ang kaya nilang “I-bully.” Ang masakit pa, “nagpapagamit ng husto” sa mga komunista at sa mga imperyalista.

Tsk!

AUTHOR PROFILE