Default Thumbnail

Huwag ‘es-esin’ ang detalye

August 25, 2022 Paul M. Gutierrez 301 views

PaulBINABASA ninyo ito, dear readers, katatapos lang manumpa kahapon (Huwebes) ng mga opisyal ng National Press Club (NPC) kay Pang. Bongbong Marcos (PBBM) sa Malakanyang, isang “tradisyon” sapul nang maitatag ang NPC noong 1952.

Ito rin ang unang pagkakataon, pagkaraan ng anim na taon, na muling isusumpa, ehek, manunumpa ang liderato ng NPC sa Pangulo ng Pilipinas.

Huling nanumpa ang NPC officers noong 2016, kay Pang. Rodrigo Duterte, sa aking unang termino bilang pangulo naman ng NPC. Sa ngayon, tayo ang inihalal na kalihim (secretary) ng pinakamalaking organisasyon ng mamamahayag sa bansa.

Muli, maraming salamat, PBBM, at siyempre, salamat din ng marami kay ES Atty. Vic Rodriguez!

Oops! Nanumpa na rin pala ngayong linggo ang ating mga kasamahan sa midya bilang mga opisyal ng gobyernong Marcos. Kudos at more power kina undersecretary Ed Cordevilla, Ina Reformina, ex-NPC Vice President Marlon Purificacion at assistant secretary at NPC director, Bobby Ricohermoso. Mabuhay kayo, mga kapatid!

***

Marami ang natutuwa sa ginagawang implementasyon ng Bureau of Customs (BOC) sa ‘visitorial power’ nito gamit ang ‘LOA’ (letter of authority) ni Comm. Yogi Filemon Ruiz, batay na rin sa utos ni ES Vic na tiyakin na walang nangyayaring ‘hoarding’ (iligal na pag-iimbak) ng mga asukal, na siya namang dahilan kung bakit tumaas ang presyo nito sa lokal na pamilihan.

Sa nakaraang dalawang linggo na ngayon, mula Bulacan sa Luzon hanggang sa Bukidnon sa Mindanao, “aligaga” ang mga tauhan ni Comm. Yogi sa pag-iinspeksyon sa mga ‘warehouses’ ng mga asukal upang tiyakin na hindi “nakalusot” (smuggled) ang mga ito o kaya naman ay iligal na iniimbak ng mga tusong negosyante.

Bagaman maganda ang inisyatiba, hindi naman nakakatulong, sa ganang atin, ang “nagkokontrahan” na mga ‘press releases’ ng Palasyo at BOC hinggil sa mga operasyong ito— kahit kasi ang midya, “naguguluhan” sa detalye at kung ano ba ang totoo.

Halimbawa, sa nangyaring inspeksyon ng BOC sa dumating na higit 7,000 tonelada ng asukal mula sa Thailand nitong Agosto 18, sa Port of Subic, sinabi ng Palasyo na ‘recycled’ umano ang permit nito galing sa SRA (Sugar Regulatory Authority) kaya dapat lang na kumpiskahin.

Kung saan naman nakuha ng tanggapan ni press secretary Trixie Cruz-Angeles ang detalyeng ito, marami ang nagtatanong, hehehe!

Dangan kasi, mismong SRA na ang nagsabi na “hindi” recycled ang import permit dahil sakop ang importasyon ng Sugar Order No. 3 na inilabas nila nitong Pebrero, bago pumasok ang administrasyon ni PBBM.

Marami talaga ang nagtatanong dahil kahit ang BOC, wala namang opisyal na pahayag na recycled nga ang nasabing permit!

Sabi pa nga sa atin ni Comm. Yogi at iba pang opisyal ng BOC, patuloy pa ang kanilang imbestigasyon kaya hindi nila puwedeng sabihin sa ngayon kung peke nga ba o recycled yung permit.

Himutok naman sa atin ng mga “minalas” na opisyal ng Subic Port na inalis sa puwesto dahil sa “anggulo” ng OPS, “orig” at “legit” ang SRA permit kaya bakit naman nila hindi papayagang magdiskarga ng asukal, aber?

Take note: Isa ang Port of Subic, sa ilalim ni Coll. Maritess Martin, sa may pinakamagandang ‘anti-smuggling record of accomplishments’ bukod pa nga sa palaging ‘overshoot’ ni Martin ang kanyang collection target!

At binabasa ninyo ito mga kabayan, alam ba ninyo na ‘overshoot’ na (naman) ng Port of Subic ang ‘assigned target’ nito para sa buwan ng Agosto?

Sa target nitong P3.573 bilyon, “humamig” ang Subic Port ng P3.758 bilyon o “pasobra” na halos P185 milyon.

Kung totoo ang “pahaging” ng sablay na press release na “talamak” ang smuggling sa Port of Subic kaya dapat lang sibakin ang mga opisyal nito, eh, bakit palaging mayroon itong ‘surplus collection,’ ‘di ba, mga kabayan?

Sa ganitong sitwasyon, nalalagay lang sa kahihiyan ang administrasyon dahil hindi nagtutugma ang sinasabi ng mga ahensiya nito sa isang partikular na isyu.

Translation? Huwag na kasing “salsalin” ang detalye para walang “turuan” sa dakong huli, hane?

AUTHOR PROFILE