Allan

Gusto ba talaga natin ng giyera?

April 3, 2024 Allan L. Encarnacion 173 views

WALA namang kuwestiyon na kahit anong hina or liit ng iyong puwersa, kapag dangal or kasarinlan na ang usapan, iigkas din ang iyong kamao para lumaban.

Isang magandang halimbawa rito ang ating bansang Pilipinas na maliit kung ikukumpara sa maraming bansa. Mas mahina kung sukatan ng kapasidad ng militar ang magiging timbangan. Pero katulad ng mga katipunero, kahit tabak lang ay handa naman tayong lumaban para sa ating bayan.

Kailangang maging malinaw na kahit tayong mga karaniwang mamamayan ay kayang isabuhay ang marubdob na linya na “sa manlulupig, di ka pasisiil” at ang “mamatay nang dahil sa iyo” kung talagang kinakailangan.

Pero ang tanong, gusto ba talaga natin ng away? Handa ba talaga tayo sa giyera?

Kung ako ang tatanungin, mas gusto ko pa rin ang mapayapang bansa, mas gusto ko pa rin ang walang kaaway.

Kapansin-pansin na habang umuusad ang mga araw, maraming nagpaparingas at gumagatong sa iringan ng ating bansa at China sa usapin ng West Philippine Sea. Iyong mga nagpaparingas ng apoy ay walang ibang sinasandigan kung hindi ang Amerika.

Para kong nakikita iyong isang kaklase ko na palaging naghahamon ng away kapag kasama ang mas matangkad at matipuno niyang barkada. Ganito ang iba sa atin ngayon, isang bulinggit na pupil na gustong makipag-away dahil nakaakay si Uncle Sam.

Kaya ba natin panindigan ang pagbili ng away? Ayaw ba natin ng mapayapang relasyon sa kahit anong bansa? Naisip man lang ba natin na iyong ipinagmamalaki nating Amerika ay hindi naman basta makikigiyera para sa atin dahil unang-una pa rin sa kanila ang sariling interes.

Masyado nang umiinit ang sitwasyon na sa ating tingin ay nawawala na sa proporsyon ng mga malalamig ang ulo. Kailangan nating lahat gumitna, kailangan nating magmuni-muni at mangarap ng isang komunidad ng mga bansang nagkakaisa’t nagsusulong ng kapakanan ng kanilang mga mamamayan.

Isama natin sa ating pang-araw-araw na panalangin ang paghupa ng sitwasyon sa halip na makibakas pa tayo sa pag-uudyok ng gulo.

Hayaan nating umusbong ang ating mga salinlahi at huwag nating budburan ng pulbura ang paligid. Hindi masaya ang giyera, walang panalo sa giyera. Kahit anong lakas ng iyong armas, kahit anong dami ng iyong bala, sa pagsapit ng takip-silim at kapag humupa na ang gulo, lahat tayo ay talo.

Give peace a chance.

[email protected]