Default Thumbnail

‘Gun runner’ timbog sa droga, armas sa Caloocan

July 7, 2022 Edd Reyes 281 views

NAKASAMSAM pa ang pulisya ng baril, bala, at granada sa bahay ng isa sa dalawang lalaking una ng nahuli noong Martes ng gabi sa Caloocan City dahil sa pagbebenta ng hindi lisensiyadong baril at pag-iingat ng mahigit P1 milyong halaga ng shabu at marijuana.

Sa follow-up operation ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Jynleo Bautista, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group ng Northern District Field Unit (CIDG-NDFU) sa hideout ni alyas “Emman” sa David Apartment, McArthur Highway, Dalakitan, Bgy. San Matias, Sto Tomas, Pampanga, Miyerkules ng alas-10:30 ng gabi, nasamsam ang isang hindi lisensiyadong Norinco Cal. 45 pistol, dalawang magazine assembly na may anim na bala, at isang MK-2 na granada.

Ayon kay P/Cpl. Ferdinand Yap, isa sa mga operatibang nagtungo sa naturang lalawigan, kusang inamin ng suspek ang pag-iingat ng nasamsam na baril at granada at sa tulong ng kapatid niyang babae na suspek rin at madali nilang natunton ang lugar, kasama ang ilang tauhan ng Pampanga Provincial Field Unit at opisyal ng barangay ng San Matias na tumayong testigo sa isinagawang police operation.

Magugunita na unang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng CIDG-NDFU at Northern Police District (NPD) ang babaeng suspek at driver niya sa isang buy-bust operation Martes ng gabi sa 7th Avenue, Caloocan City matapos pagbentahan ng hindi lisensiyadong kalibre .45 baril ang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpisa sa mga nadakip ang shabu at marijuana na may kabuuang halagang P1,528,000 pati na ang ibinebentang baril at markadong salapi.

Nauna ng binanggit ni Lt. Col. Bautista na sangkot ang dalawa sa pagbebenta ng ilegal na droga at hindi lisensiyadong armas sa area ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA).

AUTHOR PROFILE