Default Thumbnail

Girian sa Newsnet

April 5, 2023 Mario Fetalino Jr. 260 views

Mario FetalinoMUKHANG may tensiyon ngayon sa pagitan ng Executive at Judicial.

Hindi malayong magsalpukan kinalaunan ang dalawang sangay ng pamahalaan.

Ito’y kung patuloy na magmamatigas ang Court of Appeals (CA) sa isang July 2022 Order nito na nagsasabi sa National Telecommunications Commission (NTC) na bigyan ng “automatic approval” ang aplikasyon ng News and Entertainment Network Corp. (Newsnet) para “mag-install, mag-operate, at mag-maintain” ng isang Local Multi-point Distribution System o LMDS.

Ang nasabing Kautusan ay pinonente ni CA Associate Justice Perpetua Susana T. Atal-Paño at sinang-ayunan naman nina Associate Justices Ruben Reynaldo G. Roxas at Maximo M. De Leon.

Nauna nang ibinasura ng Office of the President (OP) ang apela ng Newsnet para magkaroon ito ng LMDS.

Ang LMDS ay ginagamit para makapaghatid sa bansa ng interactive pay television at iba pang multimedia services.

Sa desisyon ng OP na may petsang March 31, 2023 at pirmado ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin sa ngalan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., pinagtibay ng Palasyo na hindi saklaw ng Republic Act No. 11032 o ang “The Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018” ang mga aplikasyon kapag tungkol sa mga radio frequency assignments.

Ito ay dahil nasa kapangyarihan dapat ito ng regulatory body ng gobyerno at sa sitwasyong ito’y ang NTC.

Lumalabas na may malaking kasalanan sa kaguluhan ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) noong panahon ni ex-Director General Jeremiah Belgica dahil ang RA 11032 ang ipinambala nito pabor sa Newsnet.

Pero binawi rin ito ng ahensiya nang sabihin ng Department of Justice (DOJ) na nagmalabis sa kapangyarihan ang ARTA nang paboran nito ang reklamo ng Newsnet at mag-utos sa NTC na magbigay ng radio frequency.

Ayon sa DOJ, walang katuturan at hindi magkakabisa kailanman ang kautusan dahil “null and void” ito mula sa simula dahil wala naman ito sa hurisdiksyon ng ARTA.

Dahil na rin sa matibay na opinyon ng DOJ hinggil sa usapin, tuluyan nang umatras dito ang ARTA at naglabas pa nga ito ng isang resolusyon.

Humatol pa rin ang CA pabor sa Newsnet makalipas lang ang mahigit isang buwan o noong July 20, 2022.

Nitong Lunes lang, mismong si Solicitor General Menardo Guevarra ang nagpaalala kay Associate Justice Atal-Paño sa matibay na desisyon ni PBBM laban sa Newsnet.

Dapat bawiin na raw ng CA ang July 2022 Order nito para maisara na nang tuluyan ang isyu.

**

For comments, please call or text 09569012811 or email [email protected]

AUTHOR PROFILE