Default Thumbnail

Magdasal at magnilaynilay ngayong panahon ng Kuwaresma

April 5, 2023 Edd Reyes 332 views

Edd ReyesISA sa tiyak na dadayuhin ng mga Taguigueños at maging ng mga mananampalataya ngayon panahon ng Kuwaresma ang binuksang parke ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa TLC Village sa Lower Bicutan upang doon manalangin, magnilaynilay, at tunghayan ang Daan ng Krus o Station of the Cross.

Pinangunahan mismo ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang pagbubukas ng “The Life of Christ” na magtatampok, hindi lamang ng 14 na istasyon ng Daan ng Krus na ang bawa’t isa ay naglalaman ng mga kataga mula sa Bibliya, kundi nasa naturang parke rin ang lugar na puwedeng pagdasalan, kahon para sa mga kahilingan, lugar na puwedeng pagtirikan ng kandila at iba pang sining na may kaugnayan sa Mahal na Araw.

Sa gitnang bahagi ng parke ay matatapuan naman ang malaking Krus na itim kung saan puwedeng isulat sa itim na papel ng mga magtutungo rito ang kanilang mga naging kasalanan o maling gawi at sila mismo ang magpapako ng kanilang naisulat sa malaking krus.

Sa kanyang pagbisita sa parke, umaasa si Mayor Lani na ang paggunita sa Mahal na Araw ay isang daan upang ituon ng mga Taguigueños ang kanilang atensiyon sa sakripisyo ng Panginoong Jesukristo na nag-alay ng kanyang buhay upang iligtas lamang ang lahat ng tao sa mga kasalanan, anuman ang relihiyon na kanilang kinaaaniban.

Bukod sa paghimok sa mga kabataang dumaranas ng pagsubok na pag-aralan at damahin ang paghihirap ng Panginoong Jesukristo, hinikayat din niya ang mga magulang ng mga kabataan na isama ang kanilang anak sa mga aktibidad ngayong Kuwaresma, tulad ng pagbisita sa mga simbahan, pagbasa ng pasyon, pagtungo sa lugar na kahalintulad ng The Life of Christ upang mabuksan ang kanilang isipan sa tunay na kahulugan ng Mahal na Araw.

Kasama ng alkalde sa pagbubukas ng parke sina Senator Allan Peter Cayetano, Vice Mayor Arvin Ian Alit, 1st District Rep. Ricardo “Ading” Cruz Jr., mga konsehal, pinuno ng ilang departamento at mga opisyal ng Barangay.

Hanggang sa Linggo o Araw ng Pagkabuhay ay bukas mula alas-8 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi ang parke na nagsimulang dayuhin ng Martes Santo.

Lungsod ng Navotas, pinuri ng ARTA sa itinayog eBOSS

BINIGYAN pala ng pagkilala ng Anti-Red Tape Authority o ARTA ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas dahil sa kahanga-hangang paraan na kanilang isinagawa upang maging simple at mabilis ang pamamaraan sa pagkakaloob at pagre-renew ng kanilang business permit.

Mula kasi ng ilunsad ni Mayor John Rey Tiangco ang pagkakaroon ng electronic Business One-Stop Shop o eBOSS sa tanggapan ng Business Permit and Licensing Office ng Navotas City Hall, nawala na ang dati’y mahabang pila ng mga nagbabayad ng renewal at kumukuha ng permiso sa pagtatayo ng negosyo sa lungsod,

Kaya nang magsagawa ng inspeksiyon ang Compliance Monitoring and Evaluation Office ng ARTA, nalaman nila ang maayos na pagtugon ng lokal na pamahalaan sa ipinasang batas sa ilalim ng East of Doing Business Law.

Mismong si ARTA Director General Secretary Ernesto Perez pa nga ang personal na nagkaloob ng sertipiko kay Mayor Tiangco na nagpahayag ng labis na pasasalamat sa ginawang pagkilala sa kanilang programa na aniya ay isang paraan upang maibigay nila ang mataas na antas ng serbisyo sa kanilang mamamayan.

Sabi ng alkalde, bukod sa mababawasan, hindi man tuluyang mawawala ang korapsiyon at red tape sa makabagong proseso, magiging magaang paraan ang pasilidad ng eBOSS para sa mga negosyante nagnanais mag-negosyo, magbayad at magpa-renew ng kanilang business permit ng hindi na kinakailangan pang magtungo sa kanilang tanggapan.

Binigyang papuri naman ni Sec. Perez ang Navotas sa mabilis na pagtatayo ng One-Stop Shop na magkakaloob ng mabilis na serbisyo sa mamamayan, tulad ng ilan pang lungsod sa Metro Manila na nakatalima kaagad sa mandato ng eBOSS,

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE