Tigilan

Tigilan na

April 5, 2023 People's Tonight 279 views

MAHIGIT na anim na buwan pa bago babalik sa polling precincts ang mga botante para sa non-partisan “Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa buong bansa.

Pero may mga lokal na politiko, kabilang na ang mga konsehal ng bayan, ang diumano’y nakikialam na kung sinu-sino ang mga patatakbuhin sa darating na dalawang eleksyon.

Hindi kaila sa publiko na malaki ang maitutulong ng mga nakaupong opisyal ng barangay at SK sa mga kandidato sa pagka-alkalde, bise alkalde at konsehal sa 2025 national polls.

Kaya nga talagang hindi nakapagtataka kung may mga politiko ang makikialam sa darating na village at SK elections sa Oktubre 30 kahit alam nilang ang mga ito’y non-partisan.

Sa tingin ng marami ay hindi papayagan ni Chairman George Erwin Garcia ng Commission on Elections (Comelec) na poporma ang mga lokal na politikong ito pagdating ng election period.

At naniniwala tayo na gagawin lahat ng Comelec, sa pamumuno ni Chairman Garcia, na isang election lawyer, para matigil na ang pakikialam ng mga politiko sa barangay at SK elections.

Kailangang may masampolan si Chairman Garcia sa darating na twin elections para magsilbing aral sa lahat na hindi puwedeng babuyin ang ating election laws, rules and regulations.

Napakahalagang masunod lahat ang ating mga batas tungkol sa halalan at iba pang political exercises sa bansa para mapanatili nating matatag ang ating demokrasya.

Pero napakahalaga ang papel ng taumbayan, kabilang na ang mga ordinaryong mamamayan, para maging kapanipaniwala ang resulta ng ating nga eleksyon sa bansa.

Mahihirapan ang gobyerno, sa pamamagitan ng Comelec at partner agencies, na gawing clean, honest and credible ang ating mga halalan kung ayaw tumulong ang publiko.

Let’s remember na ang “election is democracy in action.”

AUTHOR PROFILE