Default Thumbnail

Ginang ‘ginapang’ ng kainuman sa Malabon

May 15, 2023 Edd Reyes 266 views

GINAPANG diumano at minolestiyang seksuwal ng 31-anyos na helper ang kainumang ginang nang makatulog ang biktima sa gitna ng kanilang pag-iinuman Linggo ng madaling araw sa Malabon City.

Wala ng saplot pang-ibaba ang ginang na itinago sa alyas “Neneng,” 30, nang maalimpungatan sa pagkakatulog matapos maramdamang nakadampi na sa kanyang kaselanan ang ari ng suspek na helper, residente rin sa bahay na tinututluyan ng biktima.

Sa ulat na isinumite ni P/SSgt. Maria Theresa Dagman ng Women and Children Protection Desk (WCPD) kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, nakipag-inuman diumano ang biktima sa suspek nitong Sabado ng gabi sa loob ng kanilang tinutuluyang bahay sa Melon Rd. Barangay Potrero hanggang magpasiya ang ginang na matulog na at iwanan ang kanyang kainuman.

Dakong alas-4:30 ng Linggo ng madaling araw nang maalimpungatan ang biktima dahil naramdaman niya ang ginagawang pagmomolestiyang seksuwal sa kanya ng suspek na wala ng saplot pang-ibaba at nakadampi na sa kanyang kaselanan ang maselan ding bahagi ng katawan ng lalaki.

Dito na napabalikwas ang ginang kaya’t tumigil din sa ginagawang pagmomolestiya ang suspek at kaagad ding lumabas ng bahay.

Dakong alas-9:40 ng umaga nang humingi ng tulong sa barangay at pulisya ang ginang na naging dahilan upang arestuhin nina P/Cpl. Joseph Sison, Pat. Jeofeter Olesco, kapwa nakatalaga sa Malabon Police Sub-Station 1, kasama ang mga barangay tanod na sina Matias Tamayao at Renato Jamito ng Bgy. Potrero ang suspek

Ayon kay Daro, sa ilalim ng RA (Republic Act) 8353 o ang Anti-Rape Law, pasok pa rin sa kasong panggagahasa ang suspek kahit pa gawin niyang depensa na walang nangyaring “penetration” dahil ang pagdampi lamang ng ari ng lalaki sa kaselanan ng biktima ay maituturing ng panghahalay.

AUTHOR PROFILE