
Face mask ‘mandatory’ sa loob ng Manila City Hall
BUNGA ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Maynila, iniutos ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang sapilitang pagsusuot ng face mask simula Lunes, Mayo 15, 2023, sa lahat ng tanggapan sa loob ng Manila City Hall, pati na sa mga bibisita rito.
Ang bagong kautusan ng alkalde, na aniya ay hindi kagandahang balita, ay kanyang inilahad sa kanyang pagsasalita sa ginanap na regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas, Lunes ng umaga, sa Kartilya ng Katipunan.
“Inuulit ko po, sa atin lang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ipatutupad ito. Tayo man lang ay makatulong na hindi na tumaas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 dito sa ating lungsod,” paglilinaw ng alkalde.
Sa kabila ng hindi kagandahang balita, ini-anunsiyo naman ng alkalde ang magandang balita sa mga kawani matapos niyang atasan ang mga ito na ayusin na ang kanilang mga payroll dahil puwede ng makuha sa linggong kasalukuyan ang kanilang mid-year bonus.
“May maiuuwi na naman po kayo sa inyong pamilya, Pagkaingatan niyo po ito, hinay-hinay lang ang paggastos dahil alam naman po niyo, medyo may kahirapan pa rin po ang ating pamumuhay, pero kahit papaano dahil sa tulong ninyong lahat, gumaan-gaan naman po ito para sa atin,” pahayag ng alkalde.