Fil-Chinese na nagwala sa SOGO kakasuhan ng GRO

July 15, 2021 Melnie Ragasa-limena 183 views

SASAMPAHAN ng kasong paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Person ang Fil-Chinese na nagwala at nag-amok sa SOGO Hotel matapos na lumutang ang Guest Relation Officer (GRO) na kasama niyang nag check-in nitong Martes ng umaga.

Nagtungo sa Quezon City Police District (QCPD) Kamuning Police Station 10 na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Alex Alberto ang GRO na itinago sa pangalang Kring Kring, 21, upang kasuhan ng paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Person ang suspek na si Arvin Tan, 46, residente ng 49 C 11 corner Gilmore St., New Manila, QC.

Sa sinumpaang salaysay, sinabi ng GRO na isinama siya ni Tan sa Sogo Hotel pero hindi siya binayaran matapos makipagtalik umano sa kaniya.

Ayon sa GRO, ini-refer umano siya ng kaibigan niya kay Tan na regular guest nila sa club na kaniyang pinagtatrabahuan.

Nag-Viber message umano si Tan kay Kring Kring at pinabili muna siya ng Robust bago pumunta sa Hotel.

Nang nasa kuwarto ng hotel ay nakita umano ni Kring Kring na may sinisindihan na foil si Tan at may usok.

Pagkagising umano ng GRO ay nakita na lamang niyang inaaway ni Tan ang room boy at nang magkagulo na ay sinabihan siyang ipapadala na lang ang bayad nito saka tumakas.

Nitong Martes ay binulabog ni Tan ang kalsada at maraming binanggang sasakyan matapos takasan ang mga operatiba ng QCPD na aaresto sa kaniya dahil sa hindi pagbabayad ng bill sa Hotel at sa halip ay ito pa umano ang nanghihingi ng P20,000 sa mga staff.

Matapos ang mahabang habulan o ‘hot pursuit operation’ ay nadakma si Tan ng mga humabol na pulis-QC sa kahabaan ng Recto Ave., sa kanto Nicanor Reyes St., sa Maynila kung saan tuluyan nang nakorner si Tan.

Si Tan ay isinailalim din drug test at hinihintay na lamang ang resulta upang malaman kung positibo ito sa paggamit ng iligal na droga.

Ang suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10586 (An Act Penalizing Persons Driving Under the Influence of Alcohol, Dangerous Drugs and Similar Substances, and for Other Purposes), Section 11 of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), Estafa (Non-Payment), Reckless Imprudence Resulting in Damage to Government Property, Resistance and Disobedience to a Person in Authority, at RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) sa Office of the Assistant City Prosecutor (ACP).

Magugunitang una na ring nag-amok si Tan sa Manila Police District (MPD) noong September 2017 at may nakabinbing mga kaso na Direct Assault, Usurpation of authority, Malicious Mischief, resulting to Damage to Property, Unjust Vexation, Anti-Littering, Alarm at Scandal, Resistance and Disobedience of Lawful Authority, matapos na mahuling kinukunan nito ng video ang witness sa ‘fatal hazing’ ng law student at University of Santo Tomas (UST).