Default Thumbnail

Ex-Marino patay sa away kapitbahay

April 17, 2024 Melnie Ragasa-limena 130 views

DEAD on the spot ang isang retired Marine officer matapos na magtamo ng isang saksak sa likod matapos makipagtalo sa kanyang kapitbahay Martes ng gabi sa Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang si Ric Dingle, 65, security, residente ng 1 Dove St., Area 1, Sitio Veterans Brgy., Bagong Silangan, Quezon City habang nakatakas naman ang suspek na si Carlos Julaton, 47 ng 364 Eagle St., Sitio Veterans Barangay Bagong Silangan, Quezon City.

Sa pagsisiyasat ni PCpl. Nestor Ariz ng Quezon City Police District- Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang insidente alas 11:40 ng gabi nitong Martes sa basketball court ng Eagle St., Area 2, Brgy. Bagong Silangan, Quezon City

Ayon sa saksing si Orlando Amoring, Sr., papauwi na siya nang makita niya ang biktima at suspek na magkausap at tila nagtatalo.

Nakita na lamang niyang sinuntok ng biktima ang suspek kaya inawat niya ito at sinamahan sa paradahan ng kanyang motor.

Subalit lingid sa kaalaman ng biktima at ni Amoring, sinundan sila ng suspek at inundayan ng saksak sa likod si Dingle na naging sanhi ng agarang kamatayan nito.

Kasunod nito ang pagtakas dala ang patalim na ginamit.

Nagsasagawa ng follow up operation ang pulisya laban sa suspek na nahaharap sa kasong murder.

Inaalam na rin ng pulisya ang motibo ng krimen.