Technician Ang naarestong suspek. Kuha ni JONJON C. REYES

Computer technician kapitbahay grinipuhan

April 17, 2024 Jonjon Reyes 71 views

NATIMBOG sa follow-up operation ang isang 24-anyos na binata makaraang manaksak ng kanyang kapitbahay sa Gawad Kalinga, Barangay 649 Baseco Compound, Port Area,Manila, Martes ng gabi.

Dahil sa patuloy na pagpapairal ng mga kapulisan ng Oplan Galugad at Simultaneous Anti Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO), natiko ang suspek na si alyas Mark, 24, computer technician, at residente ng Bahay Kalinga, Baseco Compound.

Naisugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang nakilalang si Jet Bashan, binata, candle maker, at residente sa nasabing lugar.

Batay sa ulat pulisya, bandang 11:30 ng gabi nang maganap ang pananaksak.

Nauna rito, nagkaroon ng pagtatalo sa hindi pa malamang dahilan ang live-in partner ng suspek at biktima.

Ilang saglit lamang ay biglang sinaksak sa tiyan ang biktima na patuloy na inoobserbahan sa pagamutan.

Sa follow-up operation ng mga otoridad ng Manila Police District-Baseco Police Station 13, nasukol ang suspek ng dakong 12:50 ng madaling araw.

Narekober sa suspek ang 10 pulgadang pocket knife.

AUTHOR PROFILE