Laurel DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr.

DA internship program malapit nang tumanggap ng application

April 30, 2024 Cory Martinez 60 views

MALAPIT nang tumanggap ang Department of Agriculture (DA) ng aplikasyon sa gustong lumahok sa programa nitong 45-day youth internship program.

Batay sa Department Order No. 05 na pinirmahan ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., maglalaan ng 15 slot para sa DA main office sa Quezon City. Sa naturang bilang, lima dito ay nakalaan para sa differently-abled na aplikante.

Samantalang ang bilang ng mga lalahok sa mga regional field offices, bureaus, at attached agencies at corporations ay depende sa availability ng pondo.

Kabilang sa maaaring mag-apply ay mga college student, high school graduate o out-of-school na may edad na 18 hanggang 25.

Layon ng naturang program na hikayatin ang mga kabataan na lumahok sa public service, maging instrumento bilang recruitment platform para sa mga may potensiyal na magtrabaho sa gobyerno at makapagbigay ng pinansiyal na suporta para sa kanilang enrolment.

Mabibigyan ng halagang P610 na daily wage ang mga matatanggap bilang intern.

Itatalaga sa mga piling tanggapan o unit ang mga kwalipikado, depende sa pangangailangan ng mga naturang tanggapan.

Magsisimula ang internship program sa Hunyo at magtatapos ito sa Agosto 5.

AUTHOR PROFILE