Referee

Referee sinapak ng Abra exec sa Cuneta Astrodome

April 17, 2024 Edd Reyes 179 views

PASA sa mukha ang tinamo ng isang propesyunal basketball referee nang sapakin ng isa umanong mataas na opisyal ng isang bayan sa lalawigan ng Abra sa dug-out ng Cuneta Astrodome Martes ng gabi sa Pasay City.

Sa nakarating na ulat sa tanggapan ni Pasay police chief P/Col. Mario Mayames, dakong alas-10:30 ng gabi matapos ang laro sa pagitan ng Team Abra at Pasay Team, nagtungo na sa kanilang dug out ang mga referee, kabilang ang 44-anyos na biktimang si alyas “Rex” residente ng Karayom St. Brgy. San Roque, Marikina City.

Ilang sandali lang ay biglang pumasok ang suspek at sinapak umano sa mukha ang biktima bago mabilis lumabas ng dug-out at tuluyan ng lumisan.

Napagalaman na nagwagi ang Team Pasay sa katunggaling Team Abra sa pagpapatuloy ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na ginanap sa Cuneta Astrodome na posibleng naging dahilan para pagbuntunan ng galit ng suspek ang referee.

Sinamahan naman ng mga nakatalagang pulis sa naturang ligar ang biktima sa Pasay Police Sub-Station-3 upang maghain ng kaukulang reklamo laban sa suspek.

Sa nakalap na impormasyon, ipatatawag umano ng pamunuan ng MPBL ang sinasabing mataas na opisyal ng isang bayan sa Abra na nanapak sa referee upang papanagutin sa ginawang pananakit.

AUTHOR PROFILE