Rail Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Homicide Section ng Manila Police District (MPD) kaugnay sa umano’y pagtalon ng isang estudyante sa riles ng Light Rail Transit (LRT) Central Station sa Ermita, Manila. Kuha ni JON-JON C. REYES

Estudyante tumalon sa LRT station, dedo

April 8, 2024 Jonjon Reyes 887 views

NAMATAY habang inoobserbahan sa pinagdalhang pagamutan ang isang 20-anyos na estudyante ng Lyceum of the Philippines University na nahulog sa riles sa may Central Station ng Light Rail Transit line 1 (LRT-1) sa Ermita, Manila, umaga nitong Lunes.

Ang biktima ay isang lalaki na tubong San Jose Del Monte, Bulacan.

Ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Ermita Police Station 5, bandang 9:14 ng umaga nang makatangap ng tawag ang Plaza Lawton Police Community Precinct kaugnay sa diumano’y tumalon na estudyante.

Mabilis namang isinakay sa ambulansiya at isinugod ng mga nakatalagang security guard sa nasabing station ang biktima sa Philippine General Hospital.

Subalit dakong 9:44 ng umaga nang ideklara ang estudyanteng patay na ng doktor.

Agad nagtungo ang mga operatiba ng MPD-Homicide Section, sa pamumuno ni Police Capt. Dennis Turla, sa pinangyarihang lugar upang magsagawa ng masusing imbestigasyon at malaman ang motibo ng pagtalon diumano ng biktima sa riles ng LRT-1 sa may Ermita.

AUTHOR PROFILE