Default Thumbnail

Bar girl ‘killer’ nalambat na

April 8, 2024 Edd Reyes 116 views

SELOS ang nakikitang motibo ng pulisya sa ginawang pagpatay ng kawani ng radiator shop sa bar girl na karelasyon Sabado ng umaga sa Makati City.

Tinukoy ng pulisya ang motibo matapos madakip ng puwersa ng Makati at Caloocan police ang suspek na si alyas “Jhayan” habang naglalakad sa Gen. San Miguel St., C4 Road, Sangandaan, Caloocan City, noon ding Sabado ng hapon matapos inguso mismo ng kanyang amo na nakakita sa kanya sa naturang lugar.

Sa ulat ng tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang suspek at ang 27-anyos na bar girl na si alyas “Maria” nang magkasamang pumasok sa barracks ng mga stay-in worker ng shop sa may Evangelista St., Barangay Bangkal, Makati, Biyernes ng gabi.

Nakita pa ng kapuwa helper ng shop na si alyas “Henry” ang dalawa nang pumasok sa kanilang barracks Biyernes ng alas-8 ng gabi.

Siya rin ang nakatuklas sa bangkay ng biktima na nakapulupot pa ng kable ng mikropono sa leeg na ginamit pambigti, nang puntahan niya ang kasama pasado alas-7 ng umaga para gisingin dahil simula na ng kanilang trabaho.

Nasapol din ng kuha ng CCTV ng shop ang paglabas ng barracks ni Jhayan ng alas-7:15 ng umaga na naghugas pa ng kamay bago umalis, dala ang personal niyang gamit.

Ayon kay Pespes, kasong murder at paglabag sa Batas Pambansa Bilang 6 o illegal possession of deadly weapon ang ihahain ng pulisya laban sa suspek sa Makati City Prosecutor’s Office, matapos makumpiska sa kanya ang isang patalim.

AUTHOR PROFILE