Default Thumbnail

Electrician nakuryente, patay

November 21, 2021 Melnie Ragasa-limena 277 views

NASAWI ang isang electrician nang makuryente habang nagkakabit ng koneksiyon ng mga ilaw ng ginagawang gusali sa Barangay Bago Bantay, Quezon City, nitong Sabado ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Francisco Rabino Jr., 43, electrician, tubong Rosario, Batangas, stay-in sa No. 45 Abra St., Brgy. Bago Bantay, QC.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang ala- 1:40 p.m. (November 20), ng maganap ang insidente sa loob ng ginagawang Geely Building sa No. 1016 North Edsa, corner Corregidor St., Brgy. Bago Bantay, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Geogre Caculba ng CIDU, ang biktima kasama ang kaniyang kapwa electricians na sina Charlito Belacsi at Jovy Mark Javier ay abala sa pagkakabit ng koneksiyon para sa mga ilaw.

Ilang minuto ay biglang nagkikisay ang biktima nang makuryente kaya agad siyang sinaklolohan ng mga kasamahan at dinala sa Sioson General Hospital subalit binawian din ito ng buhay bandang 2:14 p.m., ayon kay Dr Renz Victor T Quangco.